MAS malaki ang pinsala ang idinulot ng bagyong Lando sa lalawigan ng Aurora kung ikukumpara sa bagyong Labuyo na tumama rito noong 2013.
Ito ay ulat na ginawa ni Aurora Gov. Gerardo Noveras kay Pangulong Aquino nang bumisita ang huli Huwebes ng umaga sa Casiguran, Aurora na labis na napinsala ng bagyo nitong mga nakaraang araw.
Ayon kay Noveras, tinatayang 18,388 pamilya, na binubuo ng 78, 986 indibidwal mula sa Aurora ang naapektuhan ng bagyong Lando.
“In terms of casualty po, meron pong tatlong nasawi kaugnay po ng bagyong Lando. Dalawa po dito sa Casiguran at isa po sa bayan ng Dinalungan. Meron pong 42 nasugatan. Ang damage po sa mga tahanan ay umabot po ng 14,536 houses were damaged. Ang totally damaged po ay 1,924,” sabi ni Noveras.
Idinagdag ni Noveras na tinatayang 4,608 pamilya o 16,970 indibidwal ang inilikas sa mga evacuation centers.
“Dulot po ng bagyo ay bumagsak po, naputol po ang communication lines. Hanggang ngayon po dito sa bayan ng Casiguran ay hindi pa po fully restored ang communications,” ayon pa kay Noveras.
Sinabi pa ni Noveras na umabot sa P573.9 milyon ang nasirang halaga ng imprastraktura at agrikultura.
“Kung ikukumpara natin ang damage na dinulot ng bagyong Lando doon po sa bagyong Labuyo noong 2013 ay mas malaki po ang pinsalang idinulot nitong bagyong Lando, hindi lamang po dito sa bayan ng Casiguran, kundi sa buong lalawigan po ng Aurora,” dagdag ni Noveras.
Bumisita si Aquino sa Casiguran, Aurora kasama ang ilang miyembro ng Gabinete. Kinansela naman niya ang planong pagbisita rin sa Baler, Aurora.
MOST READ
LATEST STORIES