Capiz governor sinibak ng Ombudsman

SINIBAK sa serbisyo ng Office of the Ombudsman ang gubernador ng Capiz at kanyang anak kaugnay ng paghingi umano ng P3 milyon sa isang contractor noong 2011.
Guilty ang hatol ng Ombudsman kina Gov. Victor Tanco, Sr. at kanyang anak na si Security Officer III Vladimir Tanco sa kasong grave misconduct.
Kasama sa parusa nila ang perpetual disqualification sa pagpasok sa gobyerno at ang pagkansela sa kanilang retirement benefit.
Ang dalawa ay sasampahan din ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019).
Ang kaso ay nag-ugat sa paghingi umano ng mag-ama ng P3 milyon kay Leodegario Labao, Jr. ng Kirskat Venture, ang contractor ng P32.9 milyong Mambusao District Hospital project.
Ayon kay Labao pumunta sa kanyang tanggapan si Vladimir at sinabi na humihingi ang kanyang ama ng P3 milyon kapalit ng pagpapalabas ng bayad sa proyekto noong Setyembre 19, 2011. Kung hindi umano magbibigay ay ipapa-blacklist ang Kirskat.
Makalipas ang dalawang araw ay ipinadala ni Labao ang tseke na idineposito sa account ni Vladimir. Noong Oktubre 24, 2011 ay lumabas ang tseke na nagkakahalaga ng P2.2 milyon na bahagi ng kabayaran sa proyekto.
Sa kanyang depensa sinabi ni Vladimir na ang tseke ay bayad sa pagkakautang ni Labao sa kanya. Wala naman umanong ebidensya si Vladimir upang patotohanan ito.
“The claims of the complainant were duly supported by the evidence on record, specifically: the signed check voucher; check issued by the complainant which was subsequently deposited to the account of Vladimir; and the affidavits of witnesses” which “demonstrates respondents’ corrupt intent”, saad ng Ombudsman.

Read more...