PBA Season 41 bubuksan ngayon

Laro Ngayon
(SM Mall of Asia Arena)
5 p.m. Opening Ceremony
7 p.m. Star Hotshots vs Rain or Shine

MATAPOS na maantala ang pagbubukas ng ika-41 season ng Philippine Basketball Association noong Linggo ay nakatakda nang umarangkada ngayon ang pambungad na Philippine Cup sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Dahil sa bagyong Lando ay kinansela ang dapat sanang opening day ng liga noong Linggo.
Bago ang opening game ay ipaparada muna ng 12 koponan ang kani-kanilang mga naggagandahang muses at bibigyan din ng pagkilala ang mga miyembro ng Gilas Pilipinas national basketball team na nanalo ng silver medal sa FIBA Asia Championship na ginanap sa China.

Pagkatapos ng makulay na Opening Ceremony ay agad na magtutuos ang Star Hotshots at Rain or Shine dakong alas-7 ng gabi.
Magpupugay ngayon ang dating PBA player na si Jason Webb bilang head coach ng Star Hotshots.
Bagamat may bagong head coach, ang Hotshots ay magpaparada ng solidong lineup na pamumunuan ng mga beterano at subok ng manlalaro sa pangunguna nina James Yap, Marc Pingris at Peter June Simon.
Lumakas din ang frontcourt ng Star sa pagbabalik ni Ian Sangalang, na manggaga-ling mula sa ACL injury, at makakatuwang niya sina Norbert Torres, Jake Pascual at Ronald Pascual.
Muli namang sasandalan ni Rain or Shine mentor Joseller “Yeng” Guiao ang mga pangunahing manlalaro niya na sina Paul Lee, Gabe Norwood, Jeff Chan, Beau Belga, Raymond Almazan at JR Quiñahan.
Bagamat nawala ang mga maaasahang reserve players na sina Ryan Araña, Jervy Cruz at Jonathan Uyloan nakuha naman ng Elasto Painters sina Maverick Ahanmisi, Josan Nimes at Don Trollano sa nagdaang PBA Rookie Draft nitong Agosto.
Idinagdag din ng Rain or Shine si dating National University slotman Jewel Ponferada.
Ang mga larong itinakda para sa araw na ito ay iniurong sa ibang petsa.

Read more...