DROGA ang pangunahing kasong kinasasangkutan ng mga Pinoy sa ibayong-dagat.
Ayon sa ulat ng Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah, sa 203 na nakakulong na Pinoy sa West Region ng nasabing bansa ay 60 katao o 30 porsyento ang may kasong drugs.
Nariyan ang drug smuggling o pagpupuslit ng droga, paggamit at pagbebenta nito.
Sabi ni Consul General Imelda Panlolong, 15 years na siyang nasa Saudi pero ang napapansin niya ay palala nang palala ang pagkakasangkot ng ating mga kababayan sa mga drug-related cases.
Tulad din sa maraming mga bansa na death penalty ang hatol sa mahuhulihan ng ipinagbabawal na gamot, ganoon din sa Saudi.
Malungkot man, tanggapin man nila o hindi, pero ito ang diretsahang maituturing na mga sinasadyang pagkakasala.
Ang pagpupuslit, paggamit at pagbebenta ng mga bawal na gamot ay personal na kagustuhan ng isang indibidwal. Ginusto niya iyon. At masasabing hayagang paggawa ng kasalanan. Bakit kamo? Lantarang pagsuway iyon at sinasadyang mga kasanalan sa di pagsunod sa mga itinatadhana ng batas
Kaya hindi maaaring magpalusot ang sinumang mahatulan may kinalaman sa droga na inosente sila sa kaso.
Yung mga sinasabing pinagbibitbit ng droga na may kapalit ng malaking halaga, hindi pupuwedeng sabihin niyang hindi niya alam iyon.
Hindi na tinatanggap ang mga sagot na “Hindi ko alam” ngayon! Dapat alam natin, lalo pa’t sa mga pagbibiyahe, anumang dala natin ay dapat handa nating panagutan.
Ganyan ang palaging linya o dialogue ng mga kababayan natin kapag nahuli. Inosente ako! Hindi ko alam iyon!
Ang usapan lang naman diyan, hangga’t nahuli iyon sa inyong mga tinatangkilik, hindi maaa-ring magsabi ang isang i-nosente siya. Kailangan niyang managot sa batas.
Eh di lalo pa ang mga gumagamit at nagbebenta o nagtutulak ng ilegal na mga droga? Inosente pa rin siya?
Malabo naman yun! Nadamay lang? Hindi naman siya sasama sa mga addict kung hindi rin siya gumagamit noon. Lalo pa ‘yung mga nagbebenta.
Gayong hindi lahat ng gumagamit ay nagbebenta, ngunit isa ang tiyak: Lahat ng nagbebenta, gumagamit!
Alangan namang nagbebenta siya ng produktong hindi niya nalalaman o hindi man lamang niya natikman.
Ang katangian nga ng isang magaling na salesman, dapat alam niya kung ano ang kaniyang produkto at tiyak na makakabenta siya.
Siyempre sa droga ganun din.
Bakit nga ba hindi ito mahinto? Sadya nga bang lulong na rin sila sa labis na pag-ibig sa salapi at kasakiman? Na hindi man lamang naiisip pa ang maaaring epekto noon maging sa kanilang mga mahal sa buhay na umaasa sa kanila?