Senatoriable kampante sa religious group

MALAKAS ang loob ng isang dating government official na tumakbo sa isang national position dahil suportado raw siya ng isang makapangyarihang sekta ng relihiyon.

Sinabi ng ating Cricket na almost 100 percent sure raw ang ating bida na dadalhin siya sa 2016 elections ng grupong ito na kanyang tinulungan kamakailan kaya naging successful ang kanilang ginawang “show of force”.

Direkta raw kasing tiniyak sa dating opisyal na ito ng mga top brass ng grupo na isasama siya sa mga susuportahan niyang kandidato sa halalan.

Sa totoo lang ay malaki ang tiwala ng ating bida na ito ang magsasalba sa kanya dahil marami ang tatakbo sa pwestong target niya sa 2016.

Kung dati ay ingat na ingat sa kanyang mga inilalabas na pananalita, ngayon ay pumipitik na rin kahit sa mga kaalyado ng administrasyon ang pulitiko na ating tinutukoy.

Hindi rin daw problema ang pera sa halalan dahil kahit paano ay nakapag-ipon na siya mula sa mga kontratang kanyang pinasok noong bahagi pa siya ng kasalukuyang administrasyon.

Suportado rin siya ng mga local officials sa kanilang lalawigan kaya pakiramdam niya ay kaya na niyang manalo sa isang pambansang halalan.

Ayon sa ating Cricket, mga religious groups ang paboritong lapitan ng ating bida dahil mas kakaunti raw ang dapat kausapin sa ganitong grupo.

Kundi mga ministro ay mga pastor ang kanyang laging kasama ngayon pero siyempre hindi ito basta kwentuhan lamang kundi may kasama ring “pakimkim” pagkatapos ng kanilang “heart-to-heart” talk na pakikipag-ugnayan.

Kahit solong katawan ay nagsimula na ring umikot sa mga lalawigan ang dating government official ilang araw matapos siyang mag-file ng kanyang Certificate of Candidate.

Senador ang tatakbuhan ng ating bida kaya dapat ay maging madalas ang kanyang pag-iikot lalo na sa mga probinsiya kung saan ay hindi siya masyadong kilala.

Ang ating bida na may basbas na raw ng isang malaking religious group ang kanyang kandidatura sa 2016 ay si Mr. TF. ….as in Talent Fee.

Read more...