Finals asinta ng San Beda, Letran

 

Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena, Pasay)
12 nn Mapua vs Arellano (jrs)
2 p.m. Letran vs Mapua (srs)
4 p.m. San Beda vs JRU (srs)
PUWESTO sa finals ang si-nisipat ng five-time defending champion San Beda Red Lions at Letran Knights sa paglarga ng 91st NCAA men’s basketball tournament Final Four ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang top seed Red Lions ay makikipagpalitan ng buslo sa Jose Rizal University Heavy Bombers sa tampok na laro na magsisimula matapos ang pagtutuos ng No. 2 seed Knights at host Mapua Cardinals na magsisimula naman ganap na ika-2 ng hapon.
May twice-to-beat advantage ang San Beda at Letran pero tiyak na hindi gugustuhin ng mga coaches na sina Jamike Jarin ng San Beda at Aldin Ayo ng Letran na bigyan pa ng pagkakataon ang JRU at Mapua.
Kung sila ang tatanungin ay nanaisin nilang matapos na agad ang Final Four ngayon.
“We have to approach the game with a lot of urgency,” wika ni Jarin na nasa kanyang unang taon bilang head coach ng Red Lions.
Tinalo ng San Beda ang JRU sa dalawang pagtutuos sa elimination round — 88-69 at 83-75 — at muling pinapaboran sa kanilang laban ngayon.
Sa kabilang banda, naghati sa panalo ang Knights at Cardinals para ipalagay na mas magiging maaksyon ang kanilang salpukan.
Nakauna ang Letran, 80-77, pero bumawi ang Cardinals, 82-77, sa second round ng elims.
Papasok din ang host Mapua taglay ang tatlong sunod na panalo at sila ay natalo lamang ng dalawang beses sa huling 14 laro, kasama ang playoff para sa ikatlong puwesto kontra Heavy Bombers.
Nangako ang coach ng Cardinals na si Fortunato Co, Jr. na ibubuhos nila ang lahat ng kanilang makakaya para makahirit ng Game Two.
Sina Josan Nimes at CJ Isit ang mga magdadala sa opensa ng Mapua pero ang puwersa sa ilalim ay ihahatid ni 6’9” Allwell Oraeme na siya ring nangunguna sa karera para sa Most Valuable Player award ng liga.
Sa kabilang banda, sina Mark Cruz, Rey Nambatac at Kevin Racal ang mga huhugutan ng lakas ng Letran para hindi na umabot pa sa peligrosong sudden-death match ang koponan. —M

 

Read more...