Pagbalik namin sa lunsod pagkatapos naming maranasan-masaksihan ang matinding pananalasa ng bagyong Lando sa aming nayon sa Nueva Ecija ay sinalubong agad kami ng kaliwa’t kanang tanong.
Napabalita raw kasing may warrant of arrest si Willie Revillame, may kinalaman diumano ‘yun sa kasong isinampa laban sa kanya ng DSWD, ‘yun ang tungkol sa batang lalaking sumayaw na umiiyak sa kanyang programa nu’ng nasa TV5 pa siya.
Nakapagtataka, dahil sa pagkakaalam namin ay naiayos na ang kasong kinaharap ng aktor-TV host, sarado na ang asunto dahil tatlong taon na ang nakararaan mula nang isampa ‘yun at nakapag-bail na si Willie sa naturang kaso.
At kung totoo ngang may warrant of arrest laban kay Willie ay puwede naman siyang magpiyansa, isang karapatan ‘yun na ibinibigay ng husgado sa mga kinakasuhan, hindi naman siya makukulong.
At sa pagkakatanda rin namin ay nagbigay ng tulong na sampung milyong piso si Willie sa DSWD nu’ng ma-nalanta ang bagyong Yolanda.
Kahit kinasuhan siya nu’n ng ahensiya ay hindi ‘yun pinersonal ni Willie, ang DSWD pa rin ang pinili niyang pagkatiwalaan para sa napakalaking tulong na ibinigay niya sa mga nasalanta nating kababayan sa Leyte at Samar.
Kailangang linawin ni Willie at ng kanyang mga abogado ang lumabas na balitang ito.