US singer-producer bibigyan ng broadway musicale si Yaya Dub

yaya dub

MULING pinatunayan ng Social Media Queen na si Maine Mendoza alyas Yaya Dub na pang-international na rin ang kanyang talent.

Isa sa mga foreign artists na napanganga at napahalakhak ni Yaya sa kanyang dubsmash videos ay ang American composer-singer-producer na si Shea Arender na narito ngayon sa Pilipinas.

Sa presscon ni Shea kahapon, sinabi nitong matagal na niyang gustong bumisita sa Pinas dahil alam niyang napakaraming Pinoy talents ang maaari niyang makilala at makatrabaho in the future.

Actually, sa February pa sana darating ang US artist para sa gagawin niyang Valentine’s concert sa 2016 pero dahil sa sobrang excitement ay napaaga ang kanyang pagbisita.

Sey ng guwapong singer-composer, napakarami na kasi niyang naririnig na magaganda tungkol sa Pilipinas dahil na rin sa mga Pinoy na kaibigan niya sa Las Vegas.

At siyempre, gusto rin niyang makilala up close and personal si yaya Dub, “My agents and I are planning to accept a Valentine show in Manila come 2016 but I can’t wait that long to see for myself how a beautiful countryside and the colors of Manila.

“Plus, I want to learn more about the phenomenal rise to fame of the dubsmash lady Maine who can shed off her pretty face just to make her audience happy. She is a very refreshing character, pretty but not afraid to be animated!” ani Shea.

Dagdag pa nito, gusto niyang mag-produce ng isang dubsmash musicale na pagbibidahan ni Yaya. Nasa plano na niyang kausapin ang mga taong namamahala sa career ni Maine para masimulan na ang proyekto.

Bukas din siya sa posibilidad na makasama sa kanyang dubsmash musicale ang Pambansang Bae na si Alden Richards at iba pang miyembro ng Eat Bulaga Dabarkads.

Bukod kay Yaya, gusto rin daw makilala ni Shea ang mga Pinay beauties na sina KC Conception at MJ Lastimosa. Inamin ng singer-producer na single siya ngayon.

Si Shea ay nagsimulang kumanta sa edad na 12, kung saan siya ang nanalo sa isang talent search sa isang cruise. Pagkatapos ng ilang araw ay nagkasakit ang isang Elvis impersonator sa barko na dapat ay mag-eentertain sa mga bisita.

Pinakiusapan syang mag-perform at du’n na nagsimula ang kanyang career sa music. Ang Christmas show niyang “Shea: Prince of Christmas”, kung saan siya ang nagbibida at sya rin ang nagproduce, ay isa sa mga top 5 holiday shows ng Broadway tao-taon.

Siya rin ang producer ng musical play na “The Wonderful Wizard of Song” na nagsimula noong July, 2013. Katatapos lang ni Shea na gumawa ng mga corporate promotion materials sa Macau bago siya bumisita rito sa Pilipinas.

Sinabi rin nito excited na siyang ma-experience ang Christmas dito sa bansa dahil, “I heard Philippines has the longest Christmas season and I can’t wait to be part of it.”

Read more...