‘Lando’ tatambay hanggang Biyernes

SA Miyerkules pa inaasahang lalabas ng bansa ang bagyong Lando na bagamat humina ay nagbuhos naman ng malakas na ulan sa Luzon.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), napakabagal ng pag-usad ng bagyo na posibleng lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Biyernes.
Nagpakawala na rin ng tubig ang dam ng Magat, Binga at Ambuklao bunsod ng malakas na ulan. Ang bagyo ay nagbubuhos ng malakas na ulan sa paligid nito hanggang sa layong 500 kilometro mula sa gitna.
Kahapon ang bagyo ay may hangin na umaabot sa 150 kilometro bawat oras ang bilis at pagbugsong 185 kph. Umuusad ito sa bilis na limang kilometro bawat oras pakanluran-hilagang kanluran.
Ngayong umaga ang bagyo ay inaasahang nasa lugar ng Bauko, Mountain Province at bukas sa Lacub, Abra.
Itinaas ng Pagasa kahapon ang public storm signal no. 3 sa Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Benguet, Ifugao, Mt. Province, Kalinga, La Union, at Pangasinan.
Signal no. 2 naman sa Cagayan, Calayan at Babuyan Island, Isabela, Abra, Apayao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, hilagang Quezon, Polillo Island at Metro Manila.
Signal no. 1 naman sa Batanes, Cavite, Laguna, Batangas at nalalabing bahagi ng Quezon.

Read more...