NAGTAGUMPAY si Donnie “Ahas” Nietes na maidepensa sa ikawalong pagkakataon ang hawak na WBO junior flyweight title nang talunin sa pamamagitan ng unanimous decision si Juan Alejo ng Mexico kahapon sa StubHub Center sa Carson, California, USA.
Ginamit ni Nietes ang mga matitinding kaliwa’t-kanang uppercuts bukod sa mga jabs para magdikta sa kabuuan ng 12 rounds.
Sa ipinakita ng 33-anyos Filipino champion ay nakuha niya ang pagsang-ayon ng mga hurado na sina Lou Moret, Pat Russell at Marshall Walker na nagbigay ng 120-108, 119-109 at 119-109 sa kani-kanilang scorecards.
May dalawang putok sa magkabilang kilay si Alejo habang si Nietes ay may galos sa kaliwang kilay para ipakita na naging maaksyon ang labanan ng dalawang boksingero sa 108-pound division.
Ito na ang ika-37 panalo sa 42 laban, kasama ang 21 knockouts, ni Nietes para magkaroon ng magandang debut sa Estados Unidos.
Natapos naman ang 21-sunod na panalo ni Alejo sa ika-25 na laban at ang naunang 24 na hinarap ay ginawa lahat sa Mexico.
Ang panalo ni Nietes sa main event ang siyang kumumpleto sa limang panalo na naitala ng mga boksingero na isinalang ng ALA Promotions sa Pinoy Pride 33: Philippines vs the World.
Pinatulog ni Albert Pagara ang beteranong Nicaraguan boxer na si William Gonzales sa ikaanim na round para angkinin ang WBO Intercontinental junior featherweight title habang ang kapatid na si Jason ay may knockout win sa second round laban sa isa pang Nicaraguan boxer na si Santos Benavides sa kanilang junior welterweight bout.
Napanatili rin ni Mark Magsayo ang IBF Youth featherweight belt sa first-round KO kay Yardley Suarez ng Mexico habang si Bruno Escalante ay umani ng unanimous decision panalo kay Nestor Ramos ng Mexico sa super flyweight bout na pinaglabanan sa six rounds.