INIALAY ng Pambansang Bae na si Alden Richards ang matagumpay na grand launch ng kanyang second album na “Wish I May” na ginanap noong Sabado ng gabi sa SM North Edsa Cinema 11 sa kanyang namayapang ina.
Muli, hindi napigilan ng Kapuso matinee idol ang kanyang emosyon habang pinasasalamatan ang lahat ng kanyang tagasuporta lalung-lalo na ang kanyang pamilya na walang sawang gumagabay sa kanya simula pa noon.
Napaiyak si Alden nang banggitin niya ang pangalan ng ina na si Rosario Faulkerson. Tumingala pa ito sa itaas sabay sabing, “Ma, I hope you’re happy.”
Alam ng lahat ng mga nagmamahal sa aktor na nu’ng buhay pa ang kanyang nanay ay palagi nitong sinasabi na gusto niyang makitang umaarte at kumakanta ang anak kaya siguradong maligayang-maligaya ito sa tagumpay na tinatamasa ni Alden.
Naghiyawan naman ang fans ni Alden nang sabihin ng binata sa kanyang pamilya na, “Love na love ko ang mga yan.” At kahit wala si Yaya Dub sa album launch ni Alden buhay na buhay pa rin ito sa mga inihandang kanta ng binata para sa supporters nila ni Maine Mendoza.
Bago pa maganap ang grand album launch ni Alden, iginawad na sa kanya ng GMA Records at PARI ang Gold Record Award ng kanyang “Wish I May” album sa Eat Bulaga.
Bihira lang mangyari na umabot na sa Gold Record ang isang Pinoy album kahit hindi pa ito nilo-launch. Ito’y dahil na rin sa napakalaking volume ng pre-orders both sa physical album at digital copy.
Bukod dito naging number one din ang “Wish I May” sa iTunes PH nitong nakaraang linggo at patuloy pa rin itong bumebenta until now.
Ayon sa mga nakapanood ng album launch ni Alden, hindi mahulugang-karayom ang SM North cinema 11 dahil halos umapaw na ang venue sa dami ng tao. Marami pa nga raw fans ang hindi nakapasok at nanatili na lamang sa labas.
Mula simula raw ng show hanggang sa ending ay walang ginawa ang mga tagasuporta nina Alden at Yaya Dub kundi ang magsigawan, magpapadyak at magtilian sa loob ng sinehan.
Nalaman din namin na bandang alas-6:30 nagsi-mula ang show pero as early as 6 a.m. daw ay marami nang nakapila sa venue para makapili sila ng magandang pwesto.
Kaya nga nang umakyat na si Alden sa stage ay talagang hindi sya makapaniwala na punumpuno ang sinehan, “Kayo talaga, palagi niyo na lang akong sinu-surprise.”
Apat na kanta mula sa kanyang album ang inalay ni Alden sa kanyang fans pero mas naging wild pa ang audience nang kantahin niya ang kanyang version ng “Thinking Out Loud” ni Ed Sheeran, isa sa mga signature Dubsmash songs sa Kalyeserye nila ni Maine sa Eat Bulaga.
Kinanta rin niya ang praise song na “How Great Is Our God,” na personal daw niyang pinili bilang pasasalamat sa Diyos na nagbigay sa kanya ng lahat ng blessings na dumarating ngayon sa kanyang buhay.
At siyempre, mawawala ba sa listahan ang original ni Bryan White na “God Gave Me You,” na theme song nila ni Yaya Dub? Nakisabay pa nga sa kanya ang audience habang ang ilan ay isinisigaw pa ang pangalan ni Maine.
Pero hindi tulad ng mga nakaraang niyang performance, natapos ni Alden ang kanta nang hindi tumutulo ang luha. Biro nga niya sa lahat ng naroon, “Akala niyo iiyak ako, ano? Wow!”
Huling kinanta ni Alden ang carrier single ng kanyang album na “Wish I May,” composed by Agatha Obar-Morallos. Ang isa pang track sa album ay ang isa pang original composition na “Urong Sulong.”
At siyempre, bidang-bida rin daw ang tatay ni Alden na si Richards Faulkerson Sr. na game na game rin daw na nakipag-selfie sa AlDub Nation. Naghihiyawan pa nga raw ang mga ito habang sinasabi ang, “We love you, Daddy Bae!”
Grabe na talaga to! Ayaw talagang paawat ang AlDub Universe sa pagbibigay ng suporta sa kanilang mga idolo. In fairness, wala pang isang araw ay soldout na agad ang tickets para sa “Tamang Panahon” grand fans day ng AlDub sa Eat Bulaga na gaganapin sa Philippine Arena sa Oct. 24.
Ilang minuto lang matapos ibandera ni Lola Nidora (Wally Bayola) ang magaganap na fans day ng AlDub sa Philippine Arena ay nakakuha na agad ng VIP tickets ang mga Dabarkads.
Balitang nag-crash pa nga raw ang website ng Ticketworld nang mag-unahan na sa pagbili ng tickets ang fans ng AlDub. Bukod sa online ticket purchasing, marami rin daw ang sumugod sa Ticketworld outlets para personal na ma-kabili ng tickets sa “Tamang Panahon” fans day ng Eat Bulaga.