Alden halatang in-love na; parang gusto nang iuwi sa bahay si Yaya kapag tumitig

alden richards

Text ng isang kaibigan naming hibang na hibang sa tambalan nina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub), “Nagsasalita na si Yaya Dub! Nag-usap na sila sa kalyeserye! Ang ganda-ganda ng boses ni Maine!”

Aysus, pati ang mga anak-anakan naming pinaliligaya ng tambalan ay parang nakatanggap ng biyaya mula sa langit na matagal na nilang hinihintay sa sobrang kaligayahan, parang wala nang bukas pa sa kanilang pagbubunyi.

Napansin lang namin, nasubaybayan kasi namin ang AlDub, pero ngayon lang namin nabibigyan ng kakaibang interpretasyon ang kanilang pagtitinginan ngayon.

Mukhang mauuwi sa totohanan ang mga ginagawa nilang pagpapakilig sa ating mga kababayan, lalo na sa kanilang mga tagahanga, ang mga reaksiyon ni Alden ngayon ay kakaibang-kakaiba na.

Kung titigan ng Pambansang Bae si Yaya Dub ay parang gusto nang iuwi ng binata ang dalaga, parang hindi na makapaghihintay si Alden sa tamang panahon na laging ipinaaalala sa kanila ni Lola Nidora (Wally Bayola), siguradong ramdam na rin ni Maine ngayon ang emosyon ni Alden.

Kung ang tatanungin ay ang AlDub Nation (na tinatawag nang AlDub Universe ngayon dahil tumawid na sa iba’t ibang panig ng mundo, basta may Pilipino, ang kanilang karisma at kasikatan), natural lang na sa likod at harap na ng mga camera ang relasyong gusto nilang meron ngayon ang kanilang mga idolo, ‘yun lang at wala nang iba pa.

“Ito na sana ang tamang panahon na sinasabi ni Lola Nidora, ito na sana! Hindi na kami makapaghihintay pa!” reaksiyon pa ng mga loyalista nina Alden Richards at Maine Mendoza.
Regine!!!! Whooooh!!!!

Read more...