‘Tamang Panahon’ para sa AlDub itinakda sa Oct. 24, kasabay ng malawakang bayanihan

yaya dub

SA Oct. 24 na, Sabado, ang “tamang panahon” para sa tambalang Alden Richards at Yaya Dub o Maine Mendoza sa tunay na buhay.

Sa episode kanina ng Kalyeserye ng Eat Bulaga, ibinandera ni Lola Nidora (Wally Bayola) ang kanyang ultimate gift para kina Alden at Yaya Dub – ito nga ang muling pagkikita ng dalawa na magaganap sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Pero bukod sa sinasabing pinakamalaking fans’ day sa kasaysayan ng showbiz industry sa Pilipinas, ang nasabing episode ng Eat Bulaga ay magsisilbi ring bayanihan ng lahat ng Dabarkads at AlDub nation.
Inihayag ni Wally na ang lahat ng mabebentang tickets (na nagkakahalaga ng P150 hanggang P1,200) ay mapupunta sa “AlDub Library Project” sa buong Pilipinas. Layunin nito ang makapagpatayo ng library sa mga eskuwelahan sa iba’t ibang panig ng bansa.
At nakakagulat malaman na ilang minuto pa lang matapos ihayag ni Wally ang tungkol dito ay halos soldout na agad ang VIP tickets. Kaya naman hindi talaga imposible na mapuno rin ng AlDub nation ang Philippine Arena kung saan ginanap ang world premiere ng pelikulang “Felix Manalo”. Nakuha pa nga nito ang dalawang Guinness world record award.
Sabi nga ng ilang fans ng AlDub baka pwede rin silang gumawa ng panibagong record na maaaring i-submit sa Guinness – ang pinakamaraming um-attend sa fans’ day ng isang loveteam.
Samantala, nagsigawan at halos magwala naman sa katuwaan ang milyun-milyong fans nina Alden at Yaya Dub nang ibalita ni Lola Nidora na binibigyan na niya ng kalayaan ang dalawa sa susunod nilang date.
Sa loob daw kasi ng mahigit tatlong buwan ay napatunayan na nito na karapat-dapat si Alden sa kanyang pagtitiwala. At kung noon daw ay naging MH o “malaking hadlang” siya sa pag-iibigan nina Alden at Yaya Dub, ngayon ay MH pa rin daw si Lola Nidora pero iba na ang ibig sabihin nito ngayon  MH as in “magandang hangarin.”
Kitang-kita naman sa itsura nina Alden at Yaya na talagang na-miss nila ang isa’t isa. Halos dalawang linggo rin kasi silang nagkalayo sa kalyeserye. Kaya nga hindi napigilan ni Alden ang halikan si Maine kahit sa screen lang.
Kahit si Maine ay hindi maitago ang nararamdamang pagkasabik sa muli nilang pagkikita ng kanyang Prince Charming.  Tuwang-tuwa naman ang lahat ng Dabarkads nang sabay na nag-dubsmash ang dalawa, kabilang na ang makasayasyang Pabebe Girls na ginagawa noon nina Yaya at Lola Nidora.
Samantala, nakatakda namang maganap ngayong hapon ang grand launch ng second album ni Alden na “Wish I May”. Habag sinusulat namin ang balitang ito ay magsisimula pa lang ang event sa SM North Edsa cinema 11 na tiyak na dudumugin ng AlDub fanatics.
Sa katunayan, dinoble ng SM management at GMA Records ang security sa lugar ng event para masiguro na walang masasaktan at masisira sa loob at labas ng sinehan.
Pero bago pa maganap ang grand album launch ng Pambansang Bae ay tinanggap na ni Alden kanina sa Eat Bulaga ang Gold Record award ng PARI. Ito’y matapos na umabot sa mahigit 7,500 units ang nabentang album ni Alden.
Bago kasi ang release ng “Wish I May” sa mga record bar ay nagkaroon na ng pre-order ng album.
Dahil dito, muli na namang napaluha si Alden habang nagpapasalamat sa lahat ng mga sumusuporta sa kanya at sa loveteam nila ni Maine.
Bukod sa carrier single na “Wish I May”, mapapakinggan din sa album ang versions ni Alden ng “God Gave Me You” at “Thinking Out Loud”, ang dalawa sa mga theme songs ng AlDub.
Ito na ang ikalawang Gold Record award ni Alden, noong Sept. 25 ay iginawad din sa binata ang Gold Record award para sa kanyang self-titled debut album mula naman sa Universal Records

Read more...