Ayaw sundan ang yapak ng ama

NAGING bisita ng Bantay OCW si JR sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM studio kamakailan. Anak ng isang seafarer si JR.

Binata pa lang si JR nang sumakay ang ama sa barko, kaya lumaki na tanging sa piling laging ina lang ang kasama sa bahay. Mula nang ipanganak hanggang sa lumalaki si JR, isang bese lang sa isang taon kung makita ang ama.

Noong bata pa anya silang magkakapatid, lagi silang nagtataka kung sino ang mama na umuuwi sa kanilang bahay isang beses kada taon, hanggang sa nagkamulat na at mabatid na tatay pala nila ito.

Malayo ang loob nilang magkakapatid sa kanilang ama. Estranghero ito para sa kanila. Hindi nila kilala ang ama tulad ng maraming tatay na kasa-kasama ng kanilang pamilya.

Gayong ipinauunawa naman ng ina ni JR kung ano ang trabaho ng kanilang tatay, kung bakit lagi itong wala sa kanilang piling, kung para kanino ang lahat ng kaniyang pagsusumikap. Pero hindi pa rin ito maintindihan noon ni JR.

Nagbinata si JR hanggang sa magkolehiyo ay walang nakapiling na ama si JR. Ngunit naging mabuti naman ‘anyang tagapaglaan ang kanilang tatay. Hindi ito nagpabaya’ sa kaniyang obligasyon sa pamilya.

Masaya lamang si JR noon dahil palaging may bago siyang magagandang laruan kapag bumababa ng barko ang kaniyang tatay. Pero saglit lamang iyon.

Ang malungkot, hindi niya naramdaman ang tunay na pagmamahal ng isang ama. Kapag medyo nagtatagal na noon ang kaniyang tatay sa kaniyang bakasyon sa Pilipinas, gusto na niya itong umalis nang muli.

Hindi siya komportableng naroroon ang tatay sa kanilang bahay, lalo na noong paahong teenager na siya at napapabarkada. Lagi siyang sinisita, bagay na di niya nagustuhan dahil pakiramdam nga naman niya, bakit biglang-bigla may isang taong naghihigpit, gayong hindi klaro sa kanya ang eksaktong papel ng isang ama pag nasa bahay.

Sa kabila noon, nag-aral at nakapagtapos si JR ng kursong BS Marine Transportation. Iyon ang kurso ng mga nagiging kapitan ng Barko. Pero nangako si JR sa sarili na hinding-hindi niya susundan ang mga yapak ng ama.

Matanda na ang kaniyang tatay nang magretiro ito. Ayaw ni JR na danasin ng kanyang magiging anak ang karanasang di niya nakapiling ang ama. Ayaw niyang maramdaman ng kaniyang magiging mga anak ang lahat ng kaniyang naramdaman noon habang bata siya hanggang sa kaniyang pagbibinata.

Kaya nagdesisyon si JR na kahit nagtapos siya ng kursong pagbabarko, hindi siya sasakay ng barko lalo pa’t may asawa na siya ngayon. Hindi siya papayag na iwanan ang kabiyak at kanilang magiging anak.
Ayon kay JR, mag-aabroad lamang siya kung kasama ang asawa. Ngayon maligaya silang nabubuhay nang simple ngunit hindi naman nagkukulang.

Read more...