KAISA ang PBA sa hangarin na makapasok ang Pilipinas sa 2016 Rio Olympics sa pamamagitan ng World Olympic Qualifying sa susunod na taon.
Sa isang special board meeting kahapon ng PBA board ay nagkasundo ang lahat ng 12 Governors na magpahiram ng 17 manlalaro na nais ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para makabilang sa national pool.
Nangunguna sa talaan ang MVP ng liga na si 6’10” June Mar Fajardo ng San Miguel Beer. Maari na ring makasama sa pool ang mga tulad nina Greg Slaughter, Japeth Aguilar, Marcio Lassiter, LA Tenorio, Paul Lee, Jeff Chan, Ryan Reyes at Ian Sangalang.
Kinukunsidera naman na manatili sa koponan ng Gilas sina Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Terrence Romeo, Calvin Abueva, Marc Pingris, Gabe Norwood, Matt Ganuelas Rosser at Troy Rosario na mga nanalo ng silver medal sa FIBA Asia Men’s Championship sa Changsha, China kamakailan.
Para magkaroon ng sapat ng panahon na mapaghandaan ang huling Olympic qualifier na gagawin mula Hulyo 5 hanggang 11, ang mga manlalarong ito ay binibigyan ng pahintulot na mag-ensayo sa ilalim ni national coach Tab Baldwin tuwing Lunes umpisa Nobyembre.
Papangalanan naman ng SBP ang final 12 pla-yers sa katapusan ng E-nero upang ang ibang hindi masasama ay babalik na sa kanilang mother teams sa PBA.
Nagkasundo rin ang PBA officials na i-adjust ang pagbubukas ng third conference sa Hulyo 10 para hindi sumabay sa qualifying tournament. Ang aksyon na ito ay sinuportahan pa ng isang board resolution na nagsasaad na lubusang sinusuportahan ng liga ang Philippine team.
Tatlong bansa lamang ang aabante sa 2016 Olympics mula sa qualifying tournament na i-yon.
Maglalaro rin sa koponan ang naturalized Filipino na si 6’11’’ Andray Blatche habang inaayos pa ng SBP ang posibilidad na makalaro sa Gilas ang si Jordan Clarkson ng Los Angeles Lakers.