Bilib na bilib ang mag-inang Susan Roces at Sen. Grace Poe sa pagganap ni Coco Martin sa TV adaptation ng dating pelikula ni Da King Fernando Poe Jr. na Ang Probinsyano.
Sabi ng Reyna ng Pelikulang Pilipino, si Coco aniya ay kapuri-puri hindi lang sa pagiging magaling na actor kundi rin sa pagiging mapagpakumbaba nito kahit na itinuturing na siyang Hari ng Teleserye sa bansa.
Dagdag pa ng biyuda ni FPJ, mayroon nga raw pagkakahawig si Coco at si FPJ sa pag-uugali, lalo na sa pagtatrabaho. Bunga na rin ng closeness nilang dalawa, tanging si Coco lang ang pinapayagan ni Ms. Susan na tumawag sa kaniya ng “lola.”
Mismong ang veteran actress ang gumaganap na lola ni Coco sa papel ng actor na Ador/Cardo sa Ang Probinsyano na siyang unang ginampanan ni Da King noong taong 1997. Maging ang anak ni FPJ na si Sen. Grace ay manghang-mangha sa galing sa pag-arte ng aktor.
“Magaling talaga si Coco doon. Bagay siya talaga sa action film at maganda talaga ang istorya,” sabi ng senadora. Ani Grace, natutuwa siya na ipinagpapatuloy ni Coco ang naiwang adbokasiya ni Da King na pabanguhin ang imahe ng mga pulis sa publiko.
Tuwang-tuwa nga sina Ms. Susan at Grace sa muling pagbuhay ng ABS-CBN sa Ang Probinsyano sa telebisyon dahil na rin sa positibo nitong epekto sa pagtingin ng mga tao sa mga alagad ng batas sa gitna ng pagkakasangkot ng ilang kawani sa mga iskandalo at krimen.
Marami nga raw ang natutuwang mga pulis dahil ipinapakita ng teleserye ang mga sakripisyo ng mga alagad ng batas sa pagsisiguro ng kaligtasan ng publiko.