Jhong sasabak na rin sa politika, pinayuhan ni Kuya Kim

jhong hilario

Isa ang TV host-actor-dancer na si Jhong Hilario sa mga celebrities na sasabak sa politika sa 2016, tatakbo pala itong councilor sa Makati City.

Nakausap namin si Jhong bago magsimula ang presscon ng bagong serye ng ABS-CBN na Walang Iwanan kung saan makakasama niya si Roxanne Guinoo ang mga pambatong Kapamilya child stars.

“Gusto kong ipagpatuloy ko kung ano ang nasimulan ng tatay ko na talaga namang wala akong masabi sa paglilingkod niya doon sa tao at sa Diyos kaya ‘yun ang gusto kong gawin din, ang ibalik sa mga kababayan natin sa Makati ang lahat ng blessings na dumating sa akin at sa aming pamilya” ani Jhong.

Ibig sabihin, nakahanda na siyang iwan ang kanyang showbiz career kapag nanalo siya? “Kung ano ang ibigay sa atin ng Diyos. Kung kailangan maglingkod ka na lang sa tao siguro kailangan mong i-give up pero sabi ko nga kung kaya namang pagsabayin na ‘yung politics (at showbiz) na hindi naapektuhan ‘yung bawat isa, okay lang naman.

“Kasi na-realize ko sabi ko si Tito Sotto nga senador nakakapag-Eat Bulaga pa, di ba? Ako councilor lang so bakit di ko kayang pagsabayin,” anang Showtime host.

Suportado raw ng mga kasamahan niya sa Showtime ang kanyang naging desisyon, “Kasi iba-iba rin naman ‘yung mga pananaw nila sa buhay at hindi mo kailangan pilitin kung ano ‘yung gusto nila so ganon din naman sila sa akin kung ano ang desisyon ko ginagalang nila ‘yun kasi may utak naman tayo, may sarili na tayong isip, alam naman natin kung ano ang tama o mali.”

Nagpasalamat din si Jhong sa kasamahan niya sa Showtime na si Kim Atienza na walang sawang nagbibigay sa kanya ng advice tungkol sa politika, “Si kuya Kim kasi naging politician din siya before.

Ang sabi niya lang sa akin na ‘Kasi alam mong maganda ‘yung ginagawa ng tatay mo di ba? Mahirap naman kung ibigay sa iba na hindi naman magagawa kung ano ‘yung mga nagawa ng tatay mo.’ Kaya sabi ko nga eh kung ako man ang tatakbo, kung ano ‘yung nasimulan ng tatay ko, ipagpapatuloy ko lang.”

Samantala, kontrabida na naman ang role ni Jhong sa Walang Iwanan. Siya ang gaganap na asawa ni Roxanne sa kuwento na magiging malupit dahil na rin sa batang isisilang ng kanyang misis na hindi nanggaling sa kanya.

Pahihirapan niya si Roxanne at ang anak nito sa lalaking nanloko sa kanya. Bibida sa Walang Iwanan ang mga Kapamilya child stars na sina Louise Abuel, Micko Laurente, Jon Michael, Raikko Mateo at Karla Cruz na magpapasaya, magpapatawa at magpapaiyak sa mga manonood araw-araw.

Makakasama rin ng mga bata sa Walang Iwanan sina John Estrada, Beauty Gonzales and Nicco Manalo.

Read more...