JPE, Erap inabandona si Binay

ANG buhay nga naman…

Noong panahon ng pamumuno ni Pangulong Gloria Arroyo, isa sa mga isyung ibinabato sa kanyang administrasyon ang paglabag sa karapatang pantao.

Nandiyan ang isyu ng Morong 43 kung saan hi-nuli ang 26 na babae at 17 lalaki sa Morong, Rizal noong 2010 dahil mga trainee daw ng rebeldeng grupo.

Marami rin ang nagalit nang i-promote ni Arroyo si Gen. Jovito Palparan na i-nakusahang berdugo ng mga militanteng grupo.

Pero ngayon, ang kampo naman ni Arroyo ang umaangal dahil nilalabag umano ng Aquino government ang karapatan ni Arroyo.

Kaya pumunta ang kanilang grupo sa United Nations Working Group on Arbitrary Detention upang magpasaklolo.

Ang international lawyer ni Arroyo na si international human rights lawyer Amal Alamuddin Clooney ay nakakuha ng paborableng desisyon sa UN na nagsasabi na mali ang pagtrato ng gobyerno sa dating Pangulo.

Pinuna rin ang hindi pagpayag ng Sandiganbayan na siya ay makapagpiyansa sa kasong plunder, isang non-bailable offense.

Ito ang lamang ni Arroyo sa mga militanteng grupo na nagrereklamo ng paglabag sa kanilang kara-patan noong panahon niya sa Malacanang.

Wala akong nabalitaan na may inilabas na desisyon ang UN sa mga human rights victim noong panahon ni Arroyo. Wala kasi siguro silang pambayad ng abogado.

Ang lahat ay naghihintay din kung sino ang ieendorso ni Arroyo sa pagkapangulo na kung mananalo ay baka pumabor na siya ay makalabas sa pagkakakulong.

Noong Linggo ay itinaas ni dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada at Sen. Juan Ponce Enrile ang kamay ni Sen. Bongbong Marcos na nagdeklarang tatakbo sa pagka bise president sa 2016 elections.

Kaya marami tuloy ang nagtatanong kung iniwan na rin nina Estrada at Enrile si Vice President Jejomar Binay.

Ang running mate ni Binay ay si Sen. Gringo Honasan.

Wala rin si Estrada nang ilungsad ang United Nationalist Alliance na siyang makinarya ni Binay sa halalan. Hindi na rin napagkikitang magkasama sina Estrada at Binay at sa mga pampublikong lugar (hindi natin alam kung may mga secret meeting sila).

Noong 2010 at 2013 elections ay magkasama sina Estrada at Binay. Tumakbo si Estrada sa pagkapangulo at si Binay ang kanyang running mate. Si Estrada natalo at si Binay nanalo noong 2010.
Magkasama rin sila noong 2013 sa UNA kung saan tumakbo ang anak ni Estrada na si Sen. JV Ejercito at ang anak ni Binay na si Sen. Nancy Binay.

Ngayong 2016, paano kaya tatayo sa isang entablado ang Bi-Hon o Bin-Go (Binay-Honasan) para iendorso ni Estrada eh iba ang kanyang sinuportahang VP candidate?

May narinig ako, nakikipag-deal daw si Estrada sa Liberal Party.

Nakasama kasi sa pinagpilian ng LP sa mga patatakbuhin nito sa pagkasenador si Manila Vice Mayor Isko Moreno.

Pero hindi nakuha si Moreno dahil ang deal umano kung sasama si Moreno sa LP dapat ang iendorso nito sa pagka-alkalde ay si Estrada.

Paano nga naman si dating Manila Mayor Alfred Lim na miyembro ng LP.

Ang tanong ngayon ay kung tatakbo pa si Moreno sa pagkasenador sa ilalim ni Binay.

Medyo malabo raw kasi na patakbuhin ni Estrada si Moreno sa ilalim ng tambalang Sen. Grace Poe at

Sen. Francis Escudero. Magkahiwalay na kasi ng landas sina Estrada at Escudero.

O baka naman ang plano ay itaas ni Estrada ang kamay ng inaanak na si Poe pero si Marcos ang suportahan sa pagkabise pre-sidente.

Ang pulitikang Pinoy talagang komplikado.

Read more...