MARAMING pumuri sa acting ng rumored couple na Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa nakaraang episode ng Primetime Bida series na Pangako Sa ‘Yo.
Nabigyan ng hustisya ng dalawa ang mga mabibigat at madadramang eksena nila sa nasabing episode kung saan handa na silang ipaglaban ang kanilang pagmamahalan.
In fairness, maraming naiyak na viewers sa mga tagpong ipinalabas nitong Lunes, puring-puri nila ang performance nina DJ at Kath dahil feel na feel nila ang pinagdaraanan ng magka-sintahan na pilit na pinaghihiwalay ng mga taong nakapaligid sa kanila.
Sabi nga ng isang netizen na loyal supporter ng KathNiel, pinatunayan ng dalawang bida ng Pangako Sa ‘Yo ang kanilang pagiging tunay na aktor at aktres na hindi lang pagpapakilig ang hatid sa kanilang fans.
Sumabog na kasi ang lahat ng galit at emosyon nina Daniel at Kathryn na matagal na rin nilang itinatago mula sa kani-kanilang mga pamilya. Ramdam na ramdam namin ang sakit sa kanilang mga puso.
Siguradong malaki ang posibilidad na ma-nominate bilang best actress at best actor ang magka-loveteam sa susunod na awards season sa TV dahil sa i-pinapakita nilang akting sa PSY.
Samantala, bilang isang role model ng kabataan ngayon, pumayag nga si Daniel na ma-ging ambassador ng National Movement of Young Legislators Alumni (NMYLA) at maging mukha ng kanilang advocacy online video campaign para sa darating na 2016 elections.
Ayon kay Daniel, layunin ng infomercial na hikayatin ang lahat ng mamamayan na magparehistro lalo na yung mga first time voters. Hanggang Oct. 31 na lang ang pagpaparehistro sa Comelec.
Bilang unang pagkakataon na boboto si DJ, talagang seseryosohin daw niya ang pagpili sa mga susuportahan niyang mga kandidato, “Ang bawat tao may karapatang bumoto at siyempre, sino bang mamimili sa mga dapat mamahala kundi tayo rin naman. So very excited ako.”
Bukod kay Daniel, first time ring boboto sa 2016 si Kathryn kaya siguradong pag-uusapan daw nila ang tungkol dito kapag nagkaroon sila ng chance.
Pero siyempre, kailangang pag-aralan nila nang husto ang plataporma ng mga presidentiables bago sila magdesisyon.