HIV, AIDS mas malalang isyu ng lipunan

LIBERATED sex and illegal drugs – magkatuwang sa paglala ng isang problema ngayon sa lipunan. Ito ay patuloy na pagtaas ng kaso ng nagkakaroon ng HIV o human immunodeficiency virus na kadalasan ay nauuwi sa sakit na AIDS o Acquired Immune Deficiency Syndrome.

I am not going to mo-ralize about the issue. Magkukuwento lang ako.

Noong isang buwan, isang performer at minsan ay naging radio personality ang nasawi dahil sa AIDS.

Ikinalungkot ko ang balitang ito dahil sa minsan ay naging nanay-nanayan din niya ako sa industriya.

Sa comedy bar siya dati, singer at performer, isang beses ko siyang napanood at binigyan ko ng pagkakataon na maging deejay sa radyo. Hindi naman niya ako binigo at ang iba pang nagtiwala sa kanya.

Ang kanyang programa ay siyang highest rating program sa panahong ito ay nasa ere.

Kamakalawa, may mag-ina na lumapit sa akin. Bukod sa aking pagiging mamamahayag, alam nilang ako ay manunulat at director din sa independent film kaya ibinahagi nila ang kanilang kwento.

Ang anak ang may HIV. Gayunman, kahit ito ay pagsubok ng anak, tiyak na pinagdaraanan din ito ng ina o higit pa.

Lumabo ang mata ng anak na may HIV, halos wala na siyang makita at ang kanyang ina ang nagsisilbi niyang mata sa araw-araw na buhay. Kinurot ang puso ko sa takbong, ang anak na nakatatanda ang siya namang nakaalalay sa anak na higit na nakababata.

May isa pa akong kaibigan at kasamahan sa hanapbuhay na patuloy na naki-kibaka at nakikipaglaban sa HIV.

Sa tuwing nakikita ko siya, paghanga ang aking nararamdaman sa kung paano niya nababalanse ang lahat gayong may mga pagkakataong halos igupo siya ng labis na panghihina.

Noong isang araw naman, panauhin namin sa Radyo Inquirer si Mandaluyong Benhur Abalos. Marami kaming natalakay sa programang Banner Story na nagtatampok sa mga lokal na opisyal tuwing araw ng Biyernes.

Isa sa mga natalakay ay ang naging proyekto nila na tumutugon sa dumaraming HIV at AIDS patients.

Sabi ni Mayor Benhur sa amin ni Jake Maderazo: “Magugulat kayo sa dami ng mga nate-test na positive sa HIV at sa mga nauuwi sa AIDS ang kalagayan”.

Wala syang hawak na datos, pero nitong Biyernes sa budget hearing, lumabas ang mga datos na ito mula sa Department of Health. Nasa 35,000 ang recorded na HIV-AIDS infected sa Pilipinas at 44 porsyento o 11,448 nito ay mula sa Metro Manila.

Nitong Hunyo, naitala ang pinakamataas na bilang ng mga HIV-AIDS infected sa bilang na 772. Mas nakababahala ang edad ng mga naitalang positibo sa HIV-AIDS, nasa 15 hanggang 28 taong gulang at karamihan, mga professional workers o may mga karerang propesyunal.

Yung nakausap ko kasama ang kanyang ina, 33-years old at empleyado sa isang call center. Naging malaya ang kanyang pakikipagtalik, hindi sa iisa kundi sa marami, iba-iba sa bawat pagkakataon.

Wala rin pasubali sa paggamit ng droga. Nai-kwento pa niya ang magkakaibang pagkakakilanlan sa drogang ginagamit — Chinese brown ice, blue ice, Mexican ice at white ice.

Tulad ng problema sa ilegal na droga, ang problema sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng may HIV-AIDS sa buong bansa lalo na sa Metro Manila ay tunay na nakababahala.

Sa budget hearing at sa health briefer ng DOH, P1 bilyon ang inilaan para sa pagtugon sa problemang ito sa kalusugan.

Napakalaki ng halagang inilaan na katumbas ng pagtingin ng pamahalaan sa kung gaano na kalala ang problema sa HIV-AIDS infection sa bansa. Habang maingay ang ibang mga u-sapin, may isang tahimik ngunit tunay na nakababahala at nakamamatay. Hindi lamang basta numero o istatistika ang balitang ito. Ang mag-inang nakaharap ko nitong isang linggo lamang ay patotoo na ito’y problemang tunay na nasa gitna na ng ating lipunan.

Read more...