Mga Laro Ngayon
(The Arena)
4:15 p.m. Petron vs Meralco
6:15 p.m. Cignal vs Philips Gold
IIWAS ang nagdedepensang kampeon Petron na malaglag sa ikalawang laro sa pagharap sa Meralco sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na alas-4:15 ng hapon magsisimula ang bakbakan at parehong mag-uunahan ang Lady Blaze Spikers at Power Spikers sa kanilang unang panalo sa ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng TV5.
Naunsiyami ang pakay na magarang panimula sa anim na koponang liga nang bumigay ang Petron sa huling tatlong sets at lasapin ang 25-18, 25-17, 16-25, 18-25, 14-16 pagkatalo sa kamay ng Cignal sa pagbubukas ng liga noong Sabado.
Sina Dindin Manabat at Aby Marano ay gumawa ng 16 at 14 puntos pero kinulang sila ng suporta lalo na sa kanilang import na si Rupia Inck na may siyam na puntos lamang.
“I hope the loss will serve as a wake-up call for us na kailangang handa kami sa lahat ng laro para manalo rito,” wika ni Petron coach George Pascua.
Hindi dapat maulit ang larong nakita sa koponan dahil ang Meralco ay determinado ring bumangon matapos ang masakit na 23-25, 22-25, 16-25 straight sets pagkatalo sa Foton.
Ang Cignal ay magbabalak na kunin ang ikalawang sunod na panalo sa pagbangga sa Philips Gold sa tampok na laro dakong alas-6:15 ng gabi.
Si Ariel Usher, na nagpakawala ng 29 kills tungo sa 31 puntos, ang mangunguna uli pero hindi pahuhuli ang isa pang import na si Amanda Anderson at rookie mula Bacolod na si Fritz Joy Gallenero para bigyan din ng di magandang panimula ang Lady Slammers na ipaparada ang mga US imports na sina 6-foot-5 Alexis Olgard at 5-foot-11 Bojana Todorovic.