NAKALULUNGKOT isipin na tumulong ka na sa paglilinis ng basurang iniwan pa ni Ondoy ay ikaw pa ang lalabas na kontra-bida at kill-joy. Ganito ang dinanas ng mga volunteer na nagtungo sa Tatalon, lalo na sa gilid ng E. Rodriguez blvd., dating Espana ext., sa Quezon City para linisin ang mahabang hanay ng tambak at bunton ng nangingitim, namamaho, naaagnas at kumakatas na basura mula sa bahang dibdib ang lalim (at lagpas-tao malapit sa tulay). Dinatnan ng mga volunteers ang umpukan ng mga lalaking kabataan at di pa katandaan. Matipuno ang kanilang pangangatawan, hubad-baro, malusog naman, at walang ginawa kundi tanawin ang mga volunteers, na ang iba’y kinamay na ang paghakot sa nakadidiring basura. Oo nga pala, meron din naman silang ginagawa. Meron din naman silang pinagkakaabalahan kahit, ayon sa kanila, bukod sa tambay ay wala rin silang trabaho dahil di naman sila nakapag-aral. Ang matitikas na mga lalaking ito ay nasa umpukan ng inuman sa ilalim ng tirik na araw, ang iba’y nakukulapulan ng makapal na usok ng sigarilyo na ibinuga pagkatapos hagurin at paikutin sa loob ng baga. Di nga pala dapat silang utusan para tumulong sa paglilinis dahil abala sila sa inuman at sunog-baga.
BANDERA Editorial, 101409