Sasampahan ng patong-patong na kaso ng Office of the Ombudsman si Vice President Jejomar Binay, kanyang anak na si Makati Mayor Junjun Binay at 22 iba pa kaugnay ng iregularidad umano sa pagpapagawa ng Makati carpark building project.
Sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na mayroong nakitang probable cause ang mga imbestigador upang magsampa ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Malversation of Public Funds at Falsification of public documents.
Si VP Binay ay nahaharap sa apat na kaso ng graft, anim na falsification at isang malversation kaugnay ng pagpapagawa ng phase 1 at 2 ng gusali.
Nahaharap naman sa apat na kaso ng graft, anim na kaso ng falsification at isang kaso ng lalversation si Mayor Binay na may kinalaman umano sa pagpapagawa ng phase 2 hanggang 6.
Mahigit isang taon ang isinagawang fact-finding investigation ng Ombudsman na nag-umpisa noong Setyembre 2014. Ang preliminary investigation ay nagsimula naman noong Marso.
Ibinasura ng Ombudsman ang depensa ni Binay na walang karapatan ang Ombudsman na imbestigahan siya dahil impeachable officer ang Vice President.
Iginiit ng Ombudsman na ang iniimbestigahan nito ay ang krimen na nagawa umano noong siya ay alkalde pa.
Hindi umano dumaan sa public bidding ang pagpapagawa ng plano ng gusali ng Mana Architecture and Interior Design, Co. at kuwestyunable rin umano ang pag-apruba ng mga miyembro ng Bids and Awards Committee sa kontrata. Kasama rin sa kaso ang mga opisyal ng Hilmarcs na siyang nagtayo ng gusali na hindi dumaan sa tamang proseso.
30
MOST READ
LATEST STORIES