ALAM kaya ni Pangulong Aquino na gusto nang ipetisyon ng mga miyembro ng Malacañang Press Corps (MPC) ang isa sa kanyang mga tagapagsalita dahil hindi na ito halos nagtatrabaho dahil abala na sa pangangampanya para sa kanyang bagong boss?
Usap-usapan ngayon sa Malacañang ang hindi na mahagilap na miyembro ng Communications Group dahil mas prayoridad na nito ang kanyang bagong boss matapos ngang pormal nang magdeklara na tatakbo bilang pangulo sa 2016 presidential elections.
Nauna nang nagsabi ang opisyal na hindi siya magbibitiw at hihintayin niyang matapos ang termino ni PNoy sa Hunyo 2016.
Pero sa ginagawa nga ng opisyal, bagamat sumusweldo pa rin siya sa pamahalaan, halos ang oras niya’y nakapokus na sa bagong boss.
May araw kasi ang mga tagapagsalita ni PNoy kung kailan ang kanilang toka para sa briefing pero kapag araw niya ay hirap na hirap magpaiskedyul ng presscon ang mga miyembro ng media.
Dati-rati kasi, kung walang mga pagpupulong sa Malacañang o dinadaluhang aktibidad ang mga tagapasalita, otomatiko na ang briefing para sa kanilang nakatakdang araw.
Ang siste, kapag araw na ng opisyal, magtatanong pa ang tagapagsalita ni PNoy kung kailangan pa ba ng media ng briefing.
Komento tuloy ng MPC, “kailangan pa bang itanong ang trabaho mo, di ba dapat expected na kailangan mong mag-briefing.”
Halata namang dahil kampanya na, mas pokus na ng opisyal ang magtrabaho para sa kanyang bagong boss.
Ang usapan pa nga, kapag nanalo siyempre ang kanyang manok, inaasahan na siya pa rin ang uupong tagapagsalita sa Malacañang.
May unsolicited advice tuloy ang MPC kay Mr. Secretary: “Magpokus ka na lang bilang tagapagsalita ng iyong bagong boss at kung gusto mo imbitahan ka na lang mag-briefing bilang kinatawan na ng iyong kandidato.”
Hindi kasi katulad ngayon na dalawa ang boss ng opisyal na ito at mas prayoridad niya ang presidential candidate.
Dapat alam ng opisyal na ito na hindi na natutuwa sa kanya ang MPC, bagamat lagi niyang dinadaan sa biro kapag kaharap ang mga miyembro ng media.
Sino ito? Tiyak kong alam n’yo na ang tinutukoy ko.
Isa pang dapat magtanggal ng kanyang mga tarpaulin ay ang nagbibitiw nang dating TESDA director general Joel Villanueva.
Pagkatapos ngang magdeklara si Villanueva na tatakbo bilang senador sa 2016, hindi maiiwasang isipin ng publiko na nagamit niya ang mga billboard at tarpaulin na may mukha niya na may logo ng TESDA.
Hindi kasi kaila na pondo ng TESDA ang ginamit sa mga billboard na ito at ngayon ngang kandidato na siya at wala na rin sa ahensiya, ipatanggal na niya o mismo ng TESDA ang naglalakihang mukha ni Villanueva.
Alam naman kasi ng publiko na ang pangunahing layunin nito ay makilala hindi ang TESDA kundi si Villanueva na ilang beses nang nagbalak tumakbo sa Senado at ngayon lamang inaasahang matutuloy.
Dapat bantayan ng bayan ang mga nakaupong opisyal na magtatangkang gamitin ang pondo ng kanilang ahensiya sa kanilang planong pagsabak sa politika.
Wala namang pumigil na maghangad ng halal na posisyon ang bawat appointed official ng gobyerno.
Ang nararapat lamang huwag namang gamitin ang resources ng kanilang ahensiya para sa kanilang personal na layunin.
Patuloy na magmamasid ang taumbayan sa nalalapit na eleksyon sa 2016.