Mga Laro sa Martes
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. Mapua vs Arellano
4 p.m. San Beda vs Letran
Final Team Standings: *San Beda (13-5); *Letran (13-5); y-JRU (12-6); y-Arellano (12-6); y-Mapua (12-6); Perpetual Help (11-7); San Sebastian (6-12); St. Benilde (5-13); Lyceum (4-14); Emilio Aguinaldo (2-16)
* – twice-to-beat sa Final Four
y – playoff sa Final Four
MATALIM na opensa at depensa ang ibinandera ng Letran para durugin ang Perpetual Help, 93-64, at angkinin ang ikalawa at huling twice-to-beat advantage sa pagtatapos kahapon ng elimination round sa 91st NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan Arena.
Pinasimulan nina Mark Cruz at Kevin Racal ang magandang panimula at hindi pinabangon ng Knights ang Altas gamit ang pressing defense na nagresulta sa 32 errors ng katunggali.
“Hindi ko inaasahan na magiging ganito ang takbo ng laro. Pero gusto namin na makuha ang twice-to-beat advantage kaya talagang aggresibo ang inilaro ng mga players,” wika ni Knights coach Aldin Ayo.
Si Cruz ay mayroong 18 puntos at pito rito ay ginawa sa unang yugto na dinomina ng Altas, 21-10, habang si Racal ay mayroong 15 puntos.
Sina McJour Luib at Rey Publico ay may tig-10 puntos pa at ang Knights ay nakapagtala ng 29 puntos na panalo sa ikalawang pagkakataon matapos ang 82-53 paglampaso sa St. Benilde sa unang laro sa season.
Ang mga imports na sina Prince Eze at Bright Akhuetie ay mayroong 24 at 13 puntos pero ang MVP noong nakaraang taon na si Earl Scottie Thompson ay nalimitahan sa pitong puntos lamang para lasapin ang ikatlong sunod na kabiguan at mamaalam ang Altas sa 11-7 baraha.
Nagwagi ang Jose Rizal University sa San Sebastian, 91-69, habang dinurog ng host Mapua ang Emilio Aguinaldo College, 88-63, para makatabla ang Arellano sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto sa 12-6 baraha.
Dinaan sa quotient para basagin ang pagkakatabla at ang Cardinals (-1) at Chiefs (-20) ang magtutuos sa knockout game at ang mananalo ay haharap sa Heavy Bombers (+20) para malaman kung sino ang papangatlo at papang-apat sa Final Four.
Ang unang playoff ay gagawin sa Martes at ang San Beda at Letran na magkasalo sa 13-5 karta ay maglalaban para sa number one seeding.
Crossover ang semifinals at magkatapat ang number one at four at two at three na kung saan ang number one at two ay may twice-to-beat advantage.