WALA man ang Ateneo de Manila University sa top two squads sa itaas ng team standings sa pagwawakas ng unang elimination round ng UAAP Season 78 men’s basketball tournament nasa kanila pa rin ang pinakamahusay na manlalaro ng liga.
Eto ay dahil si Ateneo Blue Eagles guard Kiefer Ravena, ang season Most Valuable Player noong nakaraaang taon, ang lumabas na nangunguna sa MVP race matapos makalikom ng league-best 70.58 statistical points (SP) sa pagtatapos ng unang elimination round.
Si Ravena ay pumapangalawa sa scoring (18.3 puntos kada laro), numero uno sa assists (5.0), pangalawa sa steals (1.7) at pangsiyam sa rebounds (7.1). Siya rin ang tanging manlalaro ng Ateneo na nasa top 10 ng MVP race.
Kasunod naman ni Ravena ang dalawang eksplosibong manlalaro ng University of Santo Tomas Growling Tigers na sina Kevin Ferrer (68.28 SP) at Ed Daquioag (65.0 SP) na nasa ikalawa at ikatlong puwesto sa MVP derby.
Ang iba pang nasa top 10 ay sina National University center Alfred Aroga (61.14 SP), De La Salle University swingman Jeron Teng (60.14 SP), Far Eastern University forward Mac Belo (57.85 SP), FEU guard Mike Tolomia (55.85), UST slotman Karim Abdul (53.0 SP), FEU forward Raymar Jose (52.0 SP) at University of the East guard Edson Batiller (51.42 SP).