Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
12 nn. San Sebastian vs JRU
2 p.m. EAC vs Mapua
4 p.m. Perpetual vs Letran
Team Standings: **San Beda (13-5); *Letran (12-5); Arellano (12-6); Perpetual (11-6); Jose Rizal (11-6); Mapua (11-6); xSan Sebastian (6-11); xSt. Benilde (5-13); xLyceum (4-14); xEmilio Aguinaldo (2-15)
**twice-to-beat Final Four
*playoff Final Four
x- eliminated
SA pagtatapos ngayon ng elimination round ay malalaman kung sinu-sino ang mga makakapasok sa Final Four sa 91st NCAA men’s basketball.
Malaki ang posibilidad na magkaroon ng serye ng playoffs kung hindi magkahiwalay ang limang koponan na palaban pa sa puwesto sa Final Four.
Unang sasalang ang Jose Rizal University laban sa San Sebastian sa ganap na alas-12 ng tanghali bago sundan ng mahalagang salpukan ng host Mapua at Emilio Aguinaldo College dakong alas-2 ng hapon at Perpetual Help at Letran dakong alas-4 ng hapon.
Ang five-time defending champion San Beda pa lamang ang nakatiyak ng upuan sa semifinals at may twice-to-beat advantage pa nang tinalo ang Knights, 77-73, noong Martes.
Namumuro ang Knights na kunin ang ikalawang bentahe sa semifinals sa 12-5 karta ngunit tiyak na bibigyan sila ng matinding laban ng Altas na kasalo ang Heavy Bombers at Cardinals sa ikaapat hanggang ikaanim na puwesto sa 11-6 baraha.
Kung magwagi ang tatlong koponang nabanggit ay magkakaroon ng limang koponan na magkakatabla sa 12-6 kasama ang Knights at pahingang Arellano University.
Kapag ganito ang nangyari, ira-ranggo ang mga magkakatabla base sa kanilang mga quotient tsaka sisimulan ang step-ladder playoffs.
Ngunit kung ang Knights, Heavy Bombers at Cardinals ang manalo, hahawakan ng Letran ang twice-to-beat advantage habang ang mga pinakamataas na quotient sa Chiefs, Heavy Bombers at Cardinals ang papangatlo at ang dalawang may mababang quotient ang magtutuos para sa huling upuan sa Final Four.
Dahil magkatabla sa unang puwesto, sasabak din ang Red Lions at Knights sa playoff para sa number one seeding.
Tinalo ng Knights ang Altas, 79-71, sa unang pagtutuos ngunit dapat ihanda ng koponan ang kanilang mga sarili dahil determinado ang tropa ni Perpetual coach Aric del Rosario na magwagi upang magpatuloy ang kampanya para sa titulo sa liga.