SA ginanap na opening ng Quezon City International Pink Film Festival sa Gateway Cinema Mall noong Martes, ay usap-usapan kung maa-accommodate pa ang mga pelikulang kalahok sa nasabing filmfest matapos ngang okupahin ng “Felix Manalo” ang halos lahat ng sinehan sa buong bansa.
Ang Quezon City International Pink Film Festival ay proyekto ni Mayor Herbert Bautista at ng buong konseho ng Q.C. bilang suporta sa LGBT community.
Pero sa opening ng ikalawang taon ng Pink Film Festival ay hindi nakadalo si Bistek dahil ipinatawag daw ito ni Pangulong Noynoy Aquino kaya si Konsehala Mayen Juico ang dumalo bilang representative ni Herbert at bilang main proponent ng Gender Fair Ordinance.
Present din sa nasabing pagtitipon si MTRCB Chairman Atty. Eugenio “Toto” Villareal na talagang pinuri ang nasabing project para maging daan din sa mga pelikulang tumatalakay sa LGBT, nagbigay-pugay din siya sa lahat ng dumalong filmmakers mula sa iba’t ibang bansa na may kalahok sa naturang filmfest.
Nakakaaliw at nakakatuwa ang ginanap na Pink Film Festival dahil talagang suportado ito ng mga ka-patid natin sa LGBT community na kasama rin sa ilang pelikulang kalahok. Manghang-mangha rin ang lahat sa mga dumating na gay beauty queens na hindi mo aakalaing mga transgender dahil mukha na talaga silang mga tunay na babae.
In fairness, naglaan ng sinehan ang Gateway para sa screening ng mga pelikulang kasali sa QC International Pink Festival kaya sa mga gustong makapanood ay sugod na sa nasabing sinehan.
Mapapanood dito ang mga award-winning foreign films mula sa bansang Holland, France, UK, Spain, US, India at Australia.
Ngayong araw, Okt. 9, 2 p.m., mapapanood ang “#PinQCity” ni Nick Deocampo ng Pilipinas; susundan ng “El Hombre Nuevo/The New Man” mula sa Uruguay, Chile, Nicaragua na nanalong best documentary (Teddy Awards) sa Berlin Film Festival 2015; “Dressed As A Girl” sa gabi at “Eat With Me” ng bansang Amerika.
Bukas, Okt. 10, 2 p.m. ay mapapanood naman ang “Alimuom Ng Kahapon” mula sa Pilipinas; susundan ito ng “Limited Partnership” ng Amerika at Australia at sa gabi ang “Baby Steps” ng Taiwan at Amerika at panghuli ang “We Came To Sweat” mula sa US.
At sa Linggo, mapapanood ang “Pinoy Transking” mula sa Pilipinas; “Esprit de Corps” (entry din ng Pilipinas) at “Stories Of Our Lives” ng Kenya, South Africa na nagwagi rin ng Jury Prize sa Teddy Awards (Berlin Film Festival 2015) at panghuli naman ang “Nasty Baby” ng Amerika at Chile na nanalong Best Film sa Teddy Awards.
Ang naturang film festival ay sponsored ng Pride Council, MTRCB, Gateway Cineplex 10, Center for New Cinema, Quezon City Future Perfect at iba pa. Binubuo naman nina Soxie Topacio, Nick Deocampo, EJ Ulanday, Janjan Esteva, Barbie Seo at Dindi Tan ang festival committee ngayong taon.