‘Felix Manalo’ waging highest-grossing non-holiday opening of all time sa Pinas

DENNIS TRILLO

DENNIS TRILLO

MALA-Brad Pitt sa pelikulang “Benjamin Button” ang papel ni Dennis Trillo sa pelikulang “Felix Manalo” dahil simula nu’ng pagkabata ng Unang Sugo ng Iglesia Ni Cristo hanggang sa pagtanda ay siya ang gumanap at consistent ang ipinakita niyang galing sa akting.

Kaya naman halos iisa ang komento ng lahat ng nakapanood kay Dennis sa pelikula na idinirek ni Joel Lamangan, tiyak na hahakot ng best actor award sa 2016 ang aktor. Siguradong magiging matindi ang labanan nila ni John Arcilla na bumida naman sa epic biofilm din na “Heneral Luna”.

Ang tanging nasabi na lang ni Dennis ng hingan siya ng reaksyon sa mga papuri sa kanya pagkatapos ng world premiere ng movie, “Para akong nasa isang sobrang sayang panaginip lang,” tila wala sa sariling sabi ng aktor.

Maya-maya ay bumuwelo na ito at nagsabing, “Napakaraming magagandang nangyayari na hindi normal na nangyayari, so feeling ko, nasa panaginip ako. Na nagkaisa ‘yung mga Kapatid, ‘yung mga Pilipino na magtipon-tipon dito (Phippine Arena) hanggang ma-reach ‘yung goal, na sa awa ng Diyos, naka-break ng dalawang world records.

“And bukod du’n siyempre, napakaraming tao na napanood ‘yung pinaghirapan naming proyekto. ‘Yun pa lang, nakakatuwa na. Sinuportahan nila,” aniya pa.

Ang isa pang hindi inaasahan ng aktor ay ang positibong reaksyon ng mga Kapatid sa INC sa magagandang eskena nila Bela Padilla bilang si Ka Honorata.

“Nakakatuwa. Siyempre, noong umpisa, kinakabahan (ako), hindi ko alam kung ano ‘yung magiging reaksyon ng mga makakapanood, lalo na ng mga kapatid sa Iglesia. Pero nu’ng unti-unti, nakikita ko nagre-react sila sa mga eksena, sabi ko, ‘Uy, natutuwa sila,’” saad ni Dennis.

Showing na ang “Felix Manalo” sa mahigit na 400 sinehan nationwide mula sa Viva Films at INC. Kumpirmado na ring ito na ang may hawak ng record “all-time highest-grossing, non-holiday opening” movie sa bansa. In short, tinalbugan nito ang record ng lahat ng local at foreign releases sa bansa.

Sa katunayan, dahil sa insistent public demand, bukod sa nagdagdag pa ng mahigit 100 sinehan kahapon, inagahan din ng pamunuan ng SM at Robinsons Mall ang screening time ng movie, ginawa itong 8 a.m. sa halip na 10:30.

Read more...