NAGBABALA ang Catholic Bi-shops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Liberal Party (LP), ang partido ni Pangulong Aquino at ng kanyang pambato na si Mar Roxas sa nalalapit na halalan.
Nangangamba ang Simbahang Katolika na posibleng gamitin ng partio ang natitirang pondo ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa kampanya ni Roxas.
Saan ba galing si Roxas bago siya nagdeklara ng kanyang pre-sidential bid? Hindi ba sa DILG?
Duda ang CBCP na magamit ang pera ng DILG sa kampanya lalo pa’t may batayan na ang pera nito na dapat ay inilaan sa disaster risk reduction management ay hindi naipamahagi.
Base kasi sa report ng Commission on Audit (CoA), 65.5 porsyento o P42 milyon na pondo para sa mga proyekto para sa sa DRRM ay hindi naipatupad ng kagawaran na hawak ni Roxas mula 2012 hanggang Setyembre ng 2015.
Sa annual audit report ng CoA para sa DILG noong 2013, P76 milyon ang inilagay na budget para sa DRRM projects ng DILG, ngunit P42,928,044.12 ang “unimplemented due to lack of coordination and monitoring of project activities among the implementing offices.”
Ayon pa sa CoA, P10 milyon na donasyon noong 2012 para sa relief, recovery at rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng bagyong Pablo ang hindi rin nagamit noong katapusan ng 2013.
Dahil dito, nagpahayag ng pangamba si Fr. Edu Gariguez, e-xecutive secretary ng CBCP-National Secretariat for Social Action (Nassa)/Caritas Philippines na hindi imposibleng gamitin ang nasabing pondo para sa kampanya ng mga pulitikong nasa partido Liberal.
Ang hindi pagsasakatuparan ng mga proyekto na may kinalaman sa disaster reduction, ayon pa sa pari, ay isang manipestasyon lang na mahina ang liderato ng dating hepe ng DILG, na ngayon ay nais pang maging pangulo ng bansa.
Isang repleksyon din aniya ito na talagang hindi maka-konek sa masa o sa mahihirap ang gaya ni Roxas.
“Lagi ngang daing ng mamamayan hindi nila makita ang sapat at epektibong tulong ng gobyerno kahit ng pamahalaang lokal thru DILG na rin, kaya sukatan din ito sa mga kandidato ngayon sa kanilang kakayahang sumaklolo at pagpatupad ng programa lalot higit sa emergency,” ang pahayag ng opisyal ng Simbahan.
Nakakatakot ang rebelasyon ng CoA tungkol sa pondo ng bayan na dapat sana ay ginamit sa kanila, ngunit tinipid para isulong ang interes ng partido.
Ngayon, anong katiyakan ng sambayanan na hindi nga ito magagamit para sa eleksyon, para sa personal na interes?
Isa ito sa dapat na bantayan nating mga botante na nag-iisip at tunay na may pakialam sa ating bayan.
Isa ring malaking akusasyon ang tinutukoy ng opisyal ng Simbahan – ito ay ang kakulangan sa liderato ni Roxas.
Ano nga naman ba ang aasahan ng mamamayan sa kanya sa panahon ng mga kalamidad? Kaya ba niyang unawain kung anong nararamdaman ng mga taong apektado ng kung anumang sakuna o kalamidad?
Silang linggo o buwan ang binibilang habang nagtitiis sa mga evacuation center? Silang nalulubog sa mga baha, nawawalan ng tirahan at kabuhayan?
Malaki ang hamon na ito kay Roxas.
Paano niya kaya ipapaliwanag ang budget sa mga biktima ng kalamidad na sana ay nakinabang kahit papaano sa nasasabing pondo noon pa man.
Kailangan maipaliwanag ito nang maayos ng dating kalihim kung nais niyang may matanggap na boto sa mga biktima ng sakuna.