Petron Blaze Spikers llamado pa rin sa PSL Grand Prix

HINDI magiging madali ang planong tapusin ang pamamayagpag ng Petron sa Philippine SuperLiga.

Ito ay matapos ihayag ng team captain na si Maica Morada ang kahandaan na ipagpatuloy ang pamamayagpag ng Lady Blaze Spikers sa PSL Grand Prix na magbubukas na sa Sabado sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.

Mananatili sa koponan ang mga mahuhusay na sina Dindin Manabat, Rachel Anne Daquis at Aby Marano at palalakasin sila ng mga Brazilian imports na sina Erica Adachi at  Rupia Inck.

Ang mga ito ay magkakasama na noong kinatawan ng Petron ang Pilipinas sa 2015 AVC Asian Women’s Club Championship sa Phy Ly, Vietnam at ang karanasan ay nakatulong para tumibay pa ang samahan at ang kanilang paglalaro.

“The trip made us stronger. It forged our bond and prepared us for the challenges of the PSL,” wika ni Morada.

Ang iba pang kasali na nagpalakas din ay ang Philips Gold, Foton, Cignal, RC Cola-Air Force at Meralco.

Ang Meralco ang itinuturing bilang dark horse dahil ang koponang hahawakan ni coach Ramil de Jesus ay pangungunahan ng mga manlalaro mula sa multi-titled UAAP team La Salle Lady Archers.

Ipakikita ng Petron ang kalidad sa Sabado dahil kalaro nila ang Cignal sa ganap na ala-1 ng hapon.

Ang ikalawang laro ay sa pagitan ng Meralco at Foton dakong alas-3 ng hapon.

Sa Martes magbabalik ang aksyon sa bagong venue na San Juan Arena at magsusukatan sa unang laro dakong alas-4:15 ng hapon ay ang Petron at Meralco habang ang Philips Gold at Cignal ang magtutuos dakong alas-6:15 ng gabi.

Ang RC Cola-Air Force ay magbubukas ng kampanya sa Oktubre 15 laban sa Meralco sa San Juan Arena.

READ NEXT
Road to Rio
Read more...