Self-titled album ni Alden pumasok sa Billboard’s World albums chart

alden richards

ISA na namang malaking achievement ang napasakamay ni Alden Richards kahapon. Pumasok kasi ang self-titled album ng Pambansang Bae sa 10 top-selling world music albums, ayon na rin sa ulat ng Billboard.com.

Nasa ika-10 pwesto ang kauna-unahang album ng Kapuso matinee idol ng World Album weekly Top 10 chart sa website ng American music magazine na Billboard. Nakabase ang nasabing album chart sa nakukuha nilang sales data mula sa Nielsen Music.

Nakapasok din sa listahan ang albums ng K-Pop groups na iKON at Se-venteen, pati na ang Swedish rock band na Dungen. Nasa number one spot naman ang extended play album na “Mad” mula sa all-male K-Pop group na GOT7 na nag-perform na sa Manila recently.

Kamakailan lang ay ibinigay kay Alden ng Universal Records ang Gold record award ng kanyang debut album sa Eat Bulaga. At inaasahang mas lalo pang tataas ang sales nito dahil sa patuloy na tinatamasang kasikatan ng binata dahil sa kalyeserye nila ni Maine Mendoza.

Naging emosyonal pa nga ang binata nang tanggapin ang kanyang Gold Record Award dahil aniya, talagang hindi niya i-naasahan na mararating niya ang tagumpay na ibinigay sa kanya ng Diyos at ng publiko.

Ayon kay Alden, “Nagpapasalamat po ako sa Universal Records for trusting me with my first album na kahit hindi po ako singer ay binigyan nila ako ng chance. Sa lahat po ng sumusuporta ng album, salamat po!”

Samantala, sa pagpapatuloy ng kalyeserye ng Eat Bulaga kahapon, wala pa rin si Alden. Pero hindi naman malungkot si Yaya Dub dahil muli siyang pinasaya siya ng cute na cute na Dabarkads na si Baste.

Ayon naman kay Lola Nidora (Wally Bayola) huwag na siyang malungkot dahil ganu’n talaga ang buhay, may kanya-kanya silang dapat ga-win at tapusing commitments. Nadulas pa nga ito at sinabing nag su-shooting daw si Alden sa bandang Alabang.

Marahil ay para ito sa unang pelikula nila ni Maine na isa sa mga official entry sa 2015 Metro Manila Film Festival. Samantala, todo na ang pagtuturo ng mga lola kay Yaya Dub bilang paghahanda para sa darating na “Bulaga Pa More” finals.

Si Lola Tidora (Paolo Ballesteros) ay nagsabing tinuruan niyang kumanta si Yaya Dub habang pinagaya naman ni Lola Tinidora ang kanyang dance steps to the tune of “Mambo Number 5” with matching hagdan pa.

Hindi naman nagpahuli si Lola Nidora at humataw din kasama si Maine. May dumating namang sulat at nu’ng mabasa ito ni Lola Nidora ay nalungkot siya at mangiyak-ngiyak. Maya-maya ay sinabi niya ang nilalaman ng sulat sa dalawa pang lola pero pabulong.

Nalungkot din ang dalawa. Sa pagtatapos ng kalyeserye ang huling nasabi ni Lola Nidora kay Yaya Dub ay, “Ito na yata ang tamang panahon para sa inyo ni…Isadora,” na ang tinutukoy ay ang tunay na ina ni Yaya Dub.

Ano kaya ang magiging papel ng long-lost mother ni Yaya Dub? Magiging panggulo rin kaya ito sa pagmamahalan nina Alden at Yaya? O, baka siya na ang maging daan para masabi ng AlDub na ito na ang “tamang panahon” para sa kanilang dalawa?

Read more...