Gagastos ang gobyerno ng P40 milyon para ‘kulambuan’ ang may 25,000 classroom bilang bahagi ng programa kontra dengue.
Ayon kay Health Sec. Janette Garin prayoridad na lagyan ng kulambo ang mga paaralan kung saan mataas ang kaso ng dengue.
“Actually it’s a screen na parang kurtina na embedded with pesticides na no releases It’s a Japanese technology,” ani Garin na nasa Kamara de Representante kahapon para sa deliberasyon ng P122 bilyong pondo ng DOH para sa 2016.
Papatayin umano ng kulambo ang lamok na dadapo rito at tatagal ang pagiging epektibo nito ng limang taon.
Umaabot na sa 92,000 ang naitalang kaso ng dengue sa bansa mula Enero hanggang Setyembre. Sa mga kasong ito 269 ang namatay. Tatlong probinsya naman—Tarlac, Apayao at Cavite—ang may dengue outbreak.
Bukod sa paggamit ng kulambo, pinaiigting ng DoH ang pagpapanatili ng kalinisan sa mga eskuwelahan at paligid nito.
Pinaalalahanan din ni Garin ang mga mag-iimbak ng tubig na tiyakin na matatakpan ito ng mabuti upang hindi pamahayan ng lamok.
Dahil sa inaasahang kakulangan ng suplay ng tubig dahil sa El Nino, marami ang magiimbak ng tubig na maaaring pangitlugan ng lamok.
MOST READ
LATEST STORIES