LUTANG pa rin ang kagwapuhan ni Gabby Concepcion sa mga kabataang artistang lalaki na dumalo sa pinakamalaki at record-breaking premiere night na dinaluhan namin sa Philippine Arena last Sunday, ang epic biofilm na “Felix Manalo” na siyang nagtatag ng Iglesia Ni Cristo.
Napakalakas ng palakpakan kay Gabby noong lumakad siya sa red carpet at i-focus ang mukha sa naglalakihang screen sa loob ng Philippine Arena. Gabby plays the role of Eraño Manalo na anak ni Felix at humalili sa kanya bilang lider ng INC.
Somehow, may connect itong si Gabby sa mga Manalo at INC in real life. Kapitbahay kasi ni Gabby noon ang mga Manalo sa San Juan.
“Naglalakad ako noon, e. Tapos nalaman ko pa ‘yung istorya niya. Kaya kahit paano, may alam ako tungkol kay Felix Manalo. Siya talaga ang tinuturing na ama ng INC. So, nararamdaman ko kapag umiiyak sila,” kwento ni Gabby.
Para kay Gabby napakaimportante ng pagsasapelikula ng buhay ni Felix Manalo. “Hindi lang pangsarili ‘to. Although, of course, meron akong personal satisfaction dito at responsibility.
Pero higit sa lahat, you will be part of the history of the followers of Iglesia Ni Cristo. So, kung ano ‘yung role na pinaubaya sa ‘yo dapat gampanan mo ‘yun sa pinakamaganda at pinakamagaling na paraan na kaya mo base doon sa istorya ng aking role na si Ka Erdy.
Lahat ng mga kasama namin, e, significant but minor compared to Felix Manalo,” ani Gabby.Bukod kay Gabby, ang gumanap bilang Felix Manalo ay si Dennis Trillo mula bata hanggang pagtanda.
Hindi na sila kumuha ng ibang actor na gaganap bilang matandang Felix dahil nilagyan na lang nila ng prosthetics si Dennis. Kaya tiyak daw na napakalaki ng ta-lent fee na ibinayad sa aktor para sa “Felix Manalo.”
“Ang pelikula po ay isang edukasyon na bibiyahe nang malayung-malayo. Malamang wala na tayong lahat. E, itong pelikulang ito ay magiging alaala at aral sa mga susunod na miyembro ng Iglesia at sa mga gustong malaman ang success story at kung ano ang pinagdaanan at pinagmulan ni Felix Manalo,” esplika ni Gabby sa premiere night ng pelikula noong Linggo na nagtala ng dalawang bagong records sa Guiness – ang largest number of attendance sa film premiere and screening.
Umabot sa 43,624 ang official count ng mga taga-Guiness na personal pang pumunta ng Pilipinas para i-monitor ang tama at exact figure ng attendees for the book.
Malaki rin ang puwersang ipinakita ng mga Viva artists bilang suporta sa premiere night ng “Felix Manalo” sa pangunguna ng isa sa biggest stars nila ngayon na si Nadine Lustre. Sina Richard Gutierrez at Isabelle Daza ang naging host ng event.
Present din sa monumental event ang iba pang members ng cast gaya nina Bella Padilla (gumanap na asawa ni Dennis), Gladys Reyes na tumanggap ng malakas na palakpakan sa mga kapatid niya sa INC, Ruru Madrid na member din ng INC, Andrea del Rosario, Arci Muñoz, at marami pang iba.
Present din siyempre ang director ng pelikula na si Joel Lamangan. Ang “Felix Manalo” ay mula sa Viva Films at showing na sa Oct. 7 sa mahigit 100 sinehan nationwide.