Judge Andres Soriano ‘utak-biya’

DAHIL sa malaswang pagsasayaw ng Playgirl dancers sa entablado sa kaarawan ni Laguna Congressman Benjie Agarao, maaaring alisin si Metro Manila Francis Tolentino sa senatorial line-up ng Liberal Party.

Si Tolentino raw ang nagpadala ng Playgirl dancers bilang birthday gift kay Agarao.

Galit daw ang Liberal Party (LP) sa pangyayari.

Ang Gabriela party-list, na mahilig makisawsaw sa mga ganitong isyu, ay pumasok na sa eksena.

Mga ipokrito at ipokrita!

Kinokondena ninyo ang sexy dance number sa isang birthday celebration, pero wala kayong kibo sa paglalantad ng kanilang mga katawan ng mga babae sa beauty contests.

Anong pinagkaiba noong sexy dancer sa party ni Agarao sa entablado sa mga beauty contestants na kinukunan ang kanilang bumubukol na harapan ng pataas ng TV camera habang naglalakad sa stage?

Nanggagalaiti kayo sa sexy dance number sa isang birthday party pero di kayo kumikibo sa sex at violence sa TV na napapanood ng mga bata.

Mahiya kayo sa inyong pagbabalatkayo!

Napaka-ipokrito ng ating lipunan.

Ni-raid ng mga pulis ang isang nightclub kung saan may nagsasayaw ng mga babae na hubo’t hubad sa stage, inaresto ang mga pobreng babae na naghahanap-buhay lamang, at pinaharap sa mga TV camera at sinampahan ng kaso.

Ilang araw ang nakalipas, ang mga babae na inaresto ng mga pulis ay niyaya sa presinto upang sumayaw sa harap ng mga guests sa surprise birthday party ni hepe.

Kung hindi kaipokritohan yan, anong matatawag mo riyan?

Gusto pa ninyong malaman ang pagiging ipokrito natin?

Bumaha ng alak sa isang private party na dinaluhan ng mga Cabinet members, mga matataas na opisyal, mga mambabatas at mga high-class prostitutes.

Isa-isang nawala ang mga babae kasama ang mga VIP guests.

Saan sila nagpunta?

Aba’y napakatanga mo naman kung di mo alam kung saan sila nagtungo!

Nadatnan ni Jesus na akmang babatuhin ng mga lalaki ang isang babaeng mababa ang lipad.

Sinabi ni Jesus sa kalalakihan, “Ang sinong walang sala ang siyang unang pumukol ng unang bato.”

Nahiya ang mga lalaki at iniwan ang babae.

Kayong mga ipokrito at ipokrita, baka napagsabihan kayo ni Jesus kung buhay siya ngayon.

Isa sa mga kandidato sa pagiging justice ng Sandiganbayan ay si Makati Regional Trial Court Judge Andres Soriano.

Si Soriano ay nasa short list ng mga kinokonsidera ng Judicial Bar Council.

Kung napili si Andres Soriano (walang relasyon sa isang magaling na businessman na si Andres Soriano na nagmamay-ari noon ng San Miguel Brewery), magiging katawa-tawa ang Sandiganbayan.

Puwedeng mapunta sa listahan ng Ripley’s Believe It or Not ang ginawa ni Soriano noong siya’y judge pa ng Bulacan.

Hinatulan ni Soriano ng habambuhay na pagkabilanggo si Jeff Quesada, isang paralitiko.

Si Quesada, isang quadriplegic na ang ibig sabihin ay di niya nagagalaw ang dalawa niyang mga paa at kamay, ay isinakdal sa salang rape.

Di nga nakakakain si Quesada kung di sinusubuan at di nakakapunta sa kubeta kung hindi kinakarga ng dalawa katao, paano siya makakapanggahasa?

Maaaring walang utak itong si Soriano o siya’y bulag o nagbubulag-bulagan nang hinatulan niya si Quesada sa isang krimen na imposible niyang ga-win.

Kahit isang taong simple ang pag-iisip ang magsasabi na walang kakayahan si Quesada na lumapastangan ng isang babae.

Pinalabas ni Pangulong Gloria si Quesada sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng pardon dahil marahil nabasa niya ang aking column.

Kung sino man yung nagrekomenda kay Soriano na maging Sandiganbayan justice ay nagbibiro lamang.
Paano kung naipasok sa Sandiganbayan ang isang utak-biya na gaya ni Andres Soriano?

Read more...