FINALLY, botante na si Daniel Padilla. Gusto niyang i-exercise ang karapatan niyang ito kaya naman nagtanong siya sa itinuring niyang pangalawang ama na si dating konsehal ng Quezon City na si Mike Planas (ama ng half-sister niyang si Maggie) kung paano bumoto at kung sino ang dapat ibotong Presidente ng Pilipinas.
Pinayuhan ng politiko na magparehistro muna ang batang aktor bago isipin kung sino ang iboboto sa 2016. At dahil dito ay naisip na rin ni Mike na bakit hindi gumawa ng online video si Daniel para hikayating magpa-rehistro rin ang tulad niyang mga first time voter.
Ayon pa sa Sectetary General ng National Movement of Young Legislators Alumni, iminungkahi niya sa organisasyon na gumawa ng information campaign si Daniel para ma-encourage ang mga kabataan na magparehistro at ang mga hakbang na dapat gawin sa pamamagitan ng online video campaign.
Base sa research, may 4 hanggang 5 milyon daw ang mga bagong botante na kailangang magparehistro at tinatayang aabot naman sa 25 milyon ang hindi pa nakarehistro kasama na ang mga bagong botanteng kabataan. Nang makatsikahan namin si Daniel, ang una niyang nasabi, “Yes, I have the right age to vote.”
Pero hindi pa pala nakakapagpa-rehistro ang aktor dahil sa kawalan ng oras, la-ging ngarag sa taping ng Pangako Sa ‘Yo ang binata, pero aniya, sisiguraduhin niyang bago mag-Oktubre 31 ay nakatala na siya sa ikaanim na distrito ng Quezon City.
At dahil first time voter ay natanong si Daniel kung ano ang pakiramdam na pwede na siyang bumoto simula sa 2016, “Siyempre excited kasi mae-exercise na natin ‘yung karapatan nating bumoto. Bawat tao ay may karapatang bumoto, siyempre sino ba ang dapat mamili ng mamahala sa ating bayan kundi tayo rin naman.
“So very excited ako kasi isa siyang privilege. Ini-exercise dapat ang right ng bawat tao na bumoto, kaya lahat ng mga kaibigan ko, isasama ko sila (magparehistro), e, sandamakmak mga kaibigan ko, kaya kung sino ang iboboto ko, tiyak panalo na,” nangi-ngiting sabi niya sa amin pagkatapos ng kanyang video shoot para sa online viral ng National Movement of Young Legislators Alumni.
May napili na ba siyang presidentiable? “Ako, may mga sarili rin akong choices pero nagtatanong din ako kay tito Mike (Planas) ng lahat, like kung ano ang ginawa ng mga politikong ito. May mga pinag-uusapan kami, para alam mo ‘yun, alam din natin, hindi tayo basta boto lang nang boto.”
Dagdag pa niya, “Kasi para sa akin, kung nag-rereklamo ka sa bansa, huwag kang magreklamo kung di ka naman bumoto. Wala ka namang binoto, eh.”
Tama naman si Daniel, marami kasing talak nang talak, hindi naman pala bumoboto at hindi pa nagbabayad ng buwis. Kaya tinatawagan ni Daniel na magparehistro ang lahat ng mamamayang Pilipino lalo na ang mga first time voter.
Hindi lang si Daniel ang excited bumoto, maging ang rumored girlfriend niyang si Kathryn Bernardo ay looking forward na rin sa 2016.
Samantala, natanong namin si Daniel kung ano ang masasabi niya sa kumpetisyon ng loveteams na KathNiel, JaDine (James Reid at Nadine Lustre) at LizQuen (Liza Soberano at Enrique Gil).
“Eversince naman na nagsisimula ako, ayoko ng kumpetisyon, kasi nga, tagal ko na ‘tong sinasabi, lalo na sa fans namin ni Kathryn, huwag nating inaaway ang sari-ling atin. Sa atin ‘yan, eh, di ba? Kesa naghihiwa-hiwalay tayo, mas masarap kung nagsasama-sama, nasa isang network tayo, bakit mag-aaway-away?
“Saka sa personal naman, hindi kami magkakaaway. Kaibigan ko rin ‘yang mga ‘ yan. Kaya ang awkward din na naglalaban tapos kami-kami rin nag-uusap. Hindi ba mas maganda na united tayo,” katwiran pa ni Daniel.
Ano naman ang komento niya sa mga supporter na bina-bash ang kapwa nila loveteams.
“Alam mo ‘yang bashing eh, hindi ko maintindihan kung bakit may gumagawa pa niyan. Bad vibes ‘yun, eh. Huwag ka nang mang-bad-vibes ng tao. Pangit ng trip na ganu’n.
“May nage-gain ka ba or may happiness ka bang nararamdaman pag sinisiraan mo tong taong to? Wala kang happiness don, nagkakaron ka lang mg points papuntang impiyerno,” natawang sabi ng batang aktor.
Kaya pala hindi kasama ang KathNiel sa 2015 sa Metro Manila Film Festival ay dahil sobrang busy sila ni Kathryn sa taping ng Pangako Sa’ Yo na hand to mouth na ang taping, bukod pa sa may out of the country show sila sa Okt. 23 Amerika para sa TFC subscribers.
At ang pangako ni DJ sa supporters nila ni Kath, “Wag silang mag-alala, babawi kami next year, promise!”