Ateneo Blue Eagles tumiklop sa DLSU Green Archers

Mga Laro sa Miyerkules
(Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. UE vs UST
4 p.m. NU vs FEU
Team Standings: FEU (5-1); UST (5-1); La Salle (4-3); Ateneo (4-3); NU (3-3); UE (2-4); UP (2-5); Adamson (1-6)

NAKITA ang tibay ng rookie na si Joshua Torralba nang tulungan niya ang De La Salle University sa 80-76 come-from-behind panalo sa karibal na Ateneo de Manila University sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang 6-foot-2 guard na mas naasahan sa depensa sa Green Archers ay naipasok ang libreng buslo sa 3-point line upang tabunan ang dalawang puntos kalamangan ng Blue Eagles sa huling 33 segundo ng labanan.

Hindi na nakabangon pa ang Eagles dahil sablay ang mga krusyal na attempts ni Kiefer Ravena habang si Jeron Teng at Torralba ay nagsanib pa sa tatlong free throws para magkatabla ngayon ang dalawang koponan sa ikatlong puwesto sa 4-3 baraha.

Si Teng ang nanguna pa rin sa Archers sa kanyang 18 puntos bukod sa anim na rebounds, limang assists at isang steal pero siya rin ang dumepensa kay Ravena para sumablay ang kanyang huling dalawang buslo, kasama ang sana’y panablang tres sa huling opensa ng Ateneo.

May 15 puntos, siyam na rebounds, apat na assists at isang steal pa si Thomas Torres, si Jason Perkins ay naghatid ng 13 puntos, si Paolo Rivero ay may double-double na 10 puntos at 10 rebounds habang si Torralba ay may siyam na puntos.

Tumapos si Ravena bitbit ang 19 puntos ngunit nagtala lamang siya ng 29% field goal shooting, kasama ang 0-of-6 sa 3-point line at 56% sa free throws (5-of-9).

Nasa 17,728 ang manonood na sumaksi sa laro at naunang nagdomina ang Eagles nang lumamang ng hanggang 15 puntos sa first half.

Pero nagtiyaga sa pagbangon ang Archers at ang pangalawang triple ni Perkins ang nagbigay sa Archers ng 49-48 bentahe.

Nagkatabla ang dalawang koponan sa pagtatapos ng third period, 61-all, pero naniwala ang mga panatiko ng Ateneo na magwawagi sila nang naipasok  ni Chibueze Ikeh ang isang jumper bago nasundan ng fade away shot ni Ravena para sa 76-74 bentahe sa huling 1:27 ng labanan.

Pero iyon na pala ang huling buslo ng koponan para madiskaril ang hangaring lumapit sa mga nangungunang koponan sa standings.

Nakatikim din ng unang panalo ang Adamson University nang pataubin ang University of the Philippines, 73-68, sa unang labanan.

Naghatid ng career-high na 26 puntos si Jerome Garcia at 13 rito ay ginawa sa ikalawang yugto para bigyan ang Falcons ng 47-28 kalamangan.

Si Joseph Nalos ay mayroong 15 puntos, si Frederick Tungcab ay may 13 at si import Pape Sarr ay humablot ng 15 rebounds upang isama sa walong puntos.

“Our goal is to try to improve from last year. Credit to the players for this win because they know their capabilities,” wika ni Falcons coach Mike Fermin.

Ang pagkatalo ng Maroons ay kanilang ikalima matapos ang magkasunod na panalo sa unang dalawang laban at nasayang ang career-high 26 puntos ni Paul Desiderio dahil nalagay na sa ikapitong puwesto ang UP sa 2-5 baraha.

Read more...