ALAS sais ang call time namin kahapon sa engrandeng kasalan nina Daniel (Coco Martin) at Katarina (Julia Montes) sa teleseryeng Walang Hanggan na ginanap sa San Agustin Church, Intramuros Manila.
Nakakalula ang ganda ng simbahan bossing Ervin dahil pinalibutan ito ng mga puting orchids, puting Gerbera at Mums na umabot sa P500,000 ang presyo.
Base sa kuwento ng production designer ng Walang Hanggan ay noong Biyernes, Okt. 5 pa inilagay ang mga nasabing bulaklak na sa ibang bansa pa inorder na mas matagal daw ang buhay kumpara sa mga bulaklak na nabibili dito sa atin.
Oo nga naman, base sa nakita naming disenyo ng mga bulaklak ay kulang ang isa o dalawang araw bago ito maayos at sulit naman ang kalahating milyong pisong nagastos dahil sobrang ganda talaga nito.
Sabi pa nga sa amin ng isang taga-San Agustin Church, suwerte raw ang susunod na ikakasal kahapon (25th wedding anniversary) dahil naayusan na nga ang simbahan.
At heto pa, ang gumawa ng napakagandang wedding gown ni Julia ay si Paul Cabral na naroon din kahapon para ayusan ang aktres at si Randy Ortiz naman gumawa ng gown nina Melissa Ricks, Joem Bascon at iba pang members ng cast.At heto pa bossing Ervin, huminga ka ng malalim – umabot sa P3.2 million ang ginastos ng production sa buong kasal nina Daniel at Katarina.
Sabi nga namin kina Coco at Julia, sana tinototoo na nila ang kasal. Ha-haha!
Anyway, ang ilan pang eksenang kinunan sa nasabing taping ay ang paghuli kay Tomas (Joem) ng mga pulis dahil inakusahan itong kasabwat ang isa pang kontrabida na si Miguel Ramos (Nonie Buencamino).
Ito ang utak sa pagpatay kina Jane/Jean (Rita Avila).
Pero abangan pa rin daw ang mangyayari ayon kay Joem dahil may mangyayari sa reception ng kasal bagay na hindi na niya binanggit pa, pero abangan daw natin sa Okt. 15 kung sino ang mamamatay at bakit.
Dumalo sa nasabing kasalan sina Marco (Richard Gomez), Emily (Dawn Zulueta), Johanna (Melissa), Kenneth (Ogie Diaz), Helen Gamboa (Margaret) at Susan Roces (Manang Henya).
Samantala, nasa sanitarium naman si Nathan (Paulo Avelino) habang ginaganap ang kasal.
Dusa talaga ang ginanap na taping ng Walang Hanggan bossing Ervin dahil tirik na tirik ang araw nang kunan ito, lalo na ang pagdating ni Katarina sa simbahan sakay ng puting karwahe at kabayo.
Ilang beses itong kinunan dahil sa iba-ibang anggulo bukod pa sa rehearsals.
Natapos ang kasal nang magkasamang lumabas ng simbahan sina Daniel at Katarina na ilang beses ding kinunan dahil nalubak ang gulong ng karwaheng sinasakyan nila dahilan para ito tumabingi.
Aminin mo bossing Ervin, bagay sina Coco at Julia at puwedeng maging sila sa tunay na buhay, ‘yun nga lang, alam ni Coco na naghihintay na si Enchong Dee sa dalaga.
Samantala, pangalawang kasal na ito ni Coco sa mga seryeng ginawa niya, nauna na siyang ikinasal kay Maja Salvador sa seryeng Minsan Lang Kitang Iibigin.
Hmmmm, puro na lang sa soap opera ikinakasal ang actor ha! Kailan naman kaya ito mangyayari sa totoong buhay?