Nanay ni Pastillas girl sinaluduhan ng mga magulang sa pagtatanggol sa anak

pastillas girl

MARAMING humanga sa katapangan ng ina ni Pastillas Girl matapos itong humarap sa madlang pipol on national television para ipagtanggol ang kanyang anak sa lahat ng mga nambabastos at nanlalait sa dalaga.

Kung matatandaan, naging emosyonal ang pagharap sa kamera ni Gng. Teresa Hernandez sa pamamagitan ng It’s Showtime para ipagsigawan sa buong mundo na hindi bayaran ang kanyang anak na si Angelica Yap at lalong hindi nila ito ibinubugaw.

Nakiusap ang nanay ni Angelica sa madlang pipol na kilalanin muna ang kanyang anak bago ito pagsalitaan ng masama. Bagama’t labis daw siyang nasasaktan, tinitibayan na lang ni Mommy Teresa ang kanyang loob para suportahan ang anak.

“Di lang nila alam kung gaano ko kamahal ‘yung anak ko. Hindi ko matatanggap ‘yung sabihin nilang binubugaw namin ‘yung anak ko,” saad ni Mommy Teresa sa Showtime.

Sinabi rin nito na suportado ng buong pamilya ang paghahanap ni Pastillas Girl ng kanyang Mr. Pastillas dahil ang tanging hangad lamang daw niya para rito ay lumigaya at makahanap ng lalaking mamahalin siya nang tunay.

Karamihan naman sa mga komentong nabasa namin sa social media tungkol sa pagsasalita ni Gng. Teresa ay positive, naiintindihan nila ang saloobin ng isang ina na handang gawin ang lahat maipagtanggol lang ang anak.

Nagpasalamat naman si Pastillas Girl sa Showtime dahil sa pagkakataong ibinigay sa kanya ng programa ma buuing muli ang kanyang sarili, “Hindi lang lovelife ang binubuo sa akin ng Showtime, kundi pagkatao, relasyon sa kaibigan, at sa pamilya.”

Samantala, napagdesisyunan na nga ni Pastillas Girl na maging magkaibigan na lang sila ng kanyang manliligaw na si Jess ng Bacolod City. Nagpasalamat naman si Jess sa pagkakataong ibinigay sa kanya upang makilala si Pastillas Girl.

At sa patuloy na paghahanap ni Pastillas Girl kay Mr. Pastillas, dalawang bagong lalaki ang nagpakilala at nagpakitang-gilas sa kanya noong Miyerkules (Sept. 30) – ang “Dancing Gwapo ng Baguio” na si JM Tormento at ang “Talented Hottie of Q.C.” na si Michael Enriquez. May magustuhan kaya sa isa sa kanila si Pastillas Girl?

Tutukan ang mga nakakakilig na tagpo sa “Nasaan Ka Mr. Pastillas” segment ng It’s Showtime, Lunes hanggang Sabado sa ABS-CBN.

Samantala, bilang pasasalamat sa suporta ng solid Kapamilya fans, biyaheng Biñan, Laguna ang It’s Showtime at ASAP 20 para sa kanilang “Kapamilya, Thank You!” show na magdadala ng engrandeng selebrasyon ng sayawan, kantahan, at katatawanan sa Alonte Sports Arena ngayong araw at bukas, Linggo (Oct. 4).

Matapos ang matagumpay na “ANIMversary Kick Off” sa Araneta, sasabak na sa inaabangang ‘Magpasikat’ anniversary performances ang Showtime hosts na sina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Billy Crawford, Karylle, Kim Atienza, Jhong Hilario, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Coleen Garcia, Ryan Bang at Eruption.

Sa kanilang unang pasabog, makakasama nila ang mga finalist at winner ng hit segments na “That’s My Tomboy,” “Mini me,” at “Funny One.” Pagdating naman ng Linggo, ang star-studded show ng ASAP naman ang maghahandog ng pasasalamat sa mga solid Kapamilya.

Read more...