Nagsilikas ang di pa mabatid na bilang ng residente ng Nueva Ecija at Bulacan nang bahain ang ilang bahagi ng dalawang lalawigan dahil sa malakas na ulang dala ng bagyong “Kabayan,” ayon sa mga awtoridad.
Labing-siyam na barangay sa mga bayan ng Laur, Cuyapo, Rizal, at Bongabon ng Nueva Ecija ang dumanas ng 1- hanggang 3-talampakang lalim na baha, ayon sa tala ng Office of Civil Defense-3.
Kahapon ng umaga, biglang tumaas ang tubig-baha sa Brgys. Betania at Pinagbayanan ng Laur kaya nagsagawa ng rescue operation doon ang mga awtoridad, sabi ni Nigel Lontoc, assistant director ng OCD-3.
Nakatanggap din aniya ang OCD-3 ng impormasyon na tumaas din ang tubig sa di bababa sa tatlong barangay ng Cabanatuan City, at humingi ng tulong sa Tarlac ang mga lokal na awtoridad para magsagawa ng rescue operation.
May naiulat din na paglikas sa Brgys. Bagbaguin at Guyong ng Sta. Maria, Bulacan, kahapon dahil naman sa pagtaas ng tubig sa Sta. Maria River, ani Lontoc.
“‘Pag tumaas pa ito, posibleng magkaroon din ng tubig sa Meycauayan, Marilao, Bocaue, Bulakan, Obando, at Balagtas kasi dumadaan din ang ilog doon,” aniya.
Dahil sa lakas ng ulan, umapaw na rin ang Bustos Dam kaya nagbukas ito ng dalawang gate para magpakawala ng tubig, ani Lontoc.
Dumanas naman ng blackout ang ilang bahagi ng Aurora dahil may mga natumbang poste ng kuryente, aniya.
Nagsasagawa ng search and rescue operation ang mga lokal na awtoridad ng Baler para sa isang mangingisda na napaulat na nawawala, ayon naman sa OCD-3.