Arellano Chiefs iginupong muli ang San Beda Red Lions

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
12 n.n. San Sebastian vs JRU
2 p.m. EAC vs Mapua
4 p.m. Perpetual Help vs Letran
Team Standings: Letran (12-4); San Beda (12-5); Perpetual Help (11-6); Jose Rizal (11-6); Arellano (11-6); Mapua (10-6); xSan Sebastian (6-11); xSt. Benilde (5-12); xLyceum (4-14); xEmilio Aguinaldo (2-14)
x – eliminated

MAY ibang talim ang paglalaro ng Arellano University kapag kaharap ang San Beda College nang iposte nila ang 91-72 panalo para manatiling buhay ang paghahabol ng upuan sa susunod na round sa 91st NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Si Jiovani Jalalon ay mayroong 25 puntos bukod pa sa walong assists, pitong rebounds at dalawang steals at siya ang nagpasiklab sa malakas na panimula at ang paglayo ng Chiefs sa ikatlong yugto para sa 2-0 karta laban sa five-time defending champion Red Lions sa taong ito.

May 11 puntos si Jalalon sa first round at tumapos ng 16 sa halftime para bigyan ang Chiefs ng 27-18 at 48-37 bentahe sa unang dalawang yugto.

Sa ikatlong yugto ay maganda ang panimula ni Ola Adeogun nang naghatid siya ng pito sa 13-6 palitan para dumikit ang Red Lions sa apat, 54-50.

Pero gumana uli ang opensa ng Chiefs at si Jalalon ay mayroong limang puntos, kasama ang pang-apat na triple sa laro, habang sina Dioncee Holts at Zach Nicholls ay may tig-isang tres upang maisulong ang 19-4 atake at hawakan na ang 73-54 kalamangan.

Hindi na nakabangon ang San Beda mula rito dahil ilang beses din nilang itinapon ang bola sa kanilang opensa.

Si Allen Enriquez ay mayroong 15 puntos pa habang sina Holts, Michael Salado at Brylle Meca ay nagsanib sa 31 puntos para sa balanseng pag-atake mula sa mga starters at bench players.

“Ipinakita lang ng mga players na gusto pa nilang lumaban,” wika ni Arellano coach Jerry Codiñera na pumasok sa laro galing sa dalawang dikit na kabiguan sa Mapua at Letran.

Nakatabla ngayon ang Arellano sa pahingang University of Perpetual Help at Jose Rizal University sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto sa 11-6 baraha at masasabing maganda ang tsansa ng koponan na humirit ng playoff para sa Final Four dahil ang huling laro nila ay ang talsik ng Emilio Aguinaldo College sa Martes.

Tumapos si Adeogun taglay ang 17 puntos pero ang iba pang inaasahan sa Red Lions na sina Arthur dela Cruz at Baser Amer ay may 10 at apat na puntos lamang para lasapin ng koponan ang pinakamasamang pagkatalo sa season.

Ang San Beda ay bumaba sa 12-5 karta at kapos pa rin ng isang panalo para okupahan na ang twice-to-beat advantage sa semifinals.

May isa pa silang pagkakataon na makuha ito kung tatalunin nila ang Knights sa Martes.

Inangkin naman ng College of St. Benilde ang ikalawang dikit na panalo, 59-56, laban sa Lyceum of the Philippines University sa labanan ng mga talsik na koponan sa unang laro.

May career-high na 14 puntos si Gerard Castor para sa Blazers na magbabalak na tapusin ang nabigong kampanya taglay ang winning streak kung magwagi pa sa Mapua Institute of Technology sa Oktubre 6.

Read more...