NAKALULUNGKOT ang balitang ipinarating mismo ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz sa Bantay OCW nang makapanayam namin siya sa Radyo inquirer DzIQ 990 AM hinggil sa mga kababayan nating nakapasok ng New Zealand at nagtatrabaho bilang mga dairy farm workers, gamit ang pekeng employment cerficate.
Ayon kay Sec. Baldoz, naengganyong gumamit ng pekeng dokumento ang ilan nating kababayan para lang makarating sa New Zealand. Ang balita ay NZ$15,000 ang bentahan ng naturang dokumento, kasama na ang visa.
Inutusan agad ni Baldoz si POEA Administrator Hans Leo Cacdac na imbestigahan ang nasabing balita dahil maaari itong makaapekto sa bagong kasunduan na nilagdaan sa pagitan ng New Zealand at Pilipinas.
Ayon naman kay Cacdac, may mga ulat na rin silang natatanggap na naghigpit na ang Immigration ng New Zealand sa mga aplikante ng dairy farm na nanggagaling sa Pilipinas dahil nga sa mga kaso ng pamemeke ng dokumento ng ilan nating kababayan.
Dahil dito, naantala na ang pagpo-proseso ngayon ng mga work visa para sa mga dairy farm workers na legal na lumalakad ng kanilang papeles.
Hindi na bago ito. Marami na tayong mga kababayan na nadedeport at naba-blacklisted dahil pekeng dokumento ang isinusumite nila.
Natatandaan ko pa ang isa nating kababayan na napaamin sa kaniyang ilegal na mga gawain nang dahil sa kaniyang kayabangan.
Nang malasing kasi itong si kabayan, ipinagyabang niya sa mga kasamahang OFW na puro peke ang mga dokumenteng isinumite niya sa kaniyang application. At kahit sa tindi ng fake credentials na naipasa niya, mabilis pa rin siyang napromote.
Ikinainis naman ng mga kainumang kababayan ang kayabangan ng naturang OFW at isa sa kanila ang hindi na nakatiis at nagsumbong sa Immigration.
Hayun, nahuli ang mayabang na OFW, at pagkatapos ng ilang pagdinig na padeport ito at nablacklisted pa.
Limang taon siyang hindi maaaring magtungo sa bansang pinanggalingan.
Sayang ang trabaho at maganda sanang sweldong kanyang tinatanggap pero dahil nga sa peke ang mga dokumento, hindi na siya maaaring magtrabaho ron, kahit pa may buong pamilyang umaasa sa kanya at mga magulang na pinagagamot.
Mabait naman itong si kababayan, yun nga lang may kayabangan nga lang.
Nagbabala si Secretary Baldoz na tigilan na sana ng mga kababayan natin ang paggawa ng ilegal na mga bagay, dahil tiyak na ikapapahamak din nila ito, bukod pa sa maraming nadadamay rito.
Isaisip sana palagi ng ating mga kababayan na walang masamang gawain na mananatiling lihim. Lahat ng sikreto ay nabubunyag sa tamang panahon. Malaki ang kapalit na kabayaran ng panloloko, at kapag nangyari ito pati pamilya na walang muwang ang nadadamay.
Kung gusto talagang magtrabaho sa abroad, magdagdag ng kasanayan, kumuha at magsumite ng tama at totoong mga dokumento at tiyak namang may trabahong nakalaan para sa inyo.
Iwas problema na at makatitiyak kayong makatatapos kayo ng inyong kontrata nang wala nang dagdag pang alalahanin na maaari kayong kasuhan o mapauwi nang wala sa oras, dahil sa pekeng mga dokumento.