Bandera namahagi ng lapis, papel

Ni Ronalyn Paderes

Ibinabandera ng may 700 mag-aaral sa kindergarten at Grade one ng Pasong Tamo Elementary School ang mga lapist at papel na kanilang nakuha mula sa Inquirer Bandera.

MAHIGIT 900 mag-aaral ang nabigyan ng libreng gamit pang-eskuwela nang muling ilunsad kamakailan ng INQUIRER BANDERA ang proyekto nitong “BANDERA LAPIS AT PAPEL” sa Quezon City at Las Piñas City.

Aabot sa 700 kindergarten at grade one pupils ng Pasong Tamo Elementary School sa Quezon City ang tumanggap ng lapis, papel at pagkain noong Agosto 28 at mahigit 200 mag-aaral naman sa St. Gaspar Bertoni Child Development Center sa Las Piñas noong Set. 28.

Layunin ng proyektong ito na makatulong sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pagbibigay ng lapis at papel, na itinuturing na dalawa sa pinaka importanteng gamit pang-eswela.

Katulong ng Bandera sa proyektong ito ang Philippine Racing Commission, DSM Manila, Mongol Pencil, C2 Cool & Clean drink, Quake Overload, Nissin cup noodles, Magic Coated, Magic Creams, Radyo Inquirer, at Inquirer.net.

Unang inilunsad ng Bandera ang proyektong ito noong isang taon sa Sto. Niño Elementary School sa Marikina City. Mahigit sa 600 magaaral sa grade one ang nakatanggap ng lapis at papel.

“Maituturing na maliit na bagay ang lapis at papel. Ngunit naniniwala ang Bandera na ang mga pangunahing gamit na ito sa eskwela ay malaking tulong sa mga mag-aaral para tuparin ng mga bata ang kanilang mga pangarap,” ayon kay Dona Policar, editor- in-chief ng Bandera at isa sa mga nangangasiwa sa proyekto.

Ayon naman kay Fred Nasiad, Sports Editor, balak pa ng grupo na palawakin ang maabot ng proyektong ito hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Para sa inyong donasyon mangyaring tumawag sa Inquirer Bandera marketing department sa numerong (02) 890-2351.

Read more...