UST pinayuko ang La Salle; Ateneo dinurog ang UP

NAG-INIT ang University of Santo Tomas sa pagbuslo sa 3-point line sa ikatlong yugto para sa 77-61 pamamayapag sa De La Salle University sa 78th UAAP men’s basketball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Pitong triples ang ginawa ng Tigers sa ikatlong yugto upang pagningasin ang 29-13 palitan para makumpleto ang pagbangon mula sa double-digits na pagkakalubog sa Green Archers sa kaagahan ng labanan.

Na-foul trouble sa first half, si Kevin Ferrer pa rin ang nanguna sa pagpuntos sa Tigers sa kanyang 17 puntos at inako niya ang unang 10 puntos sa huling yugto para maitala ang pinakamalaking kalamangan na 19 puntos, 70-51.

May double-double na 13 puntos at 13 rebounds si Karim Abdul, si Ed Daquioag ay may 11 habang ang mga bench players na sina Louie Vigil at Janus Suarez ay may 10 at siyam na puntos.

Sina Vigil at Suarez ang nakatuwang ni Abdul sa 12-0 pagtatapos sa ikalawang yugto upang burahin ng Tigers ang 14 puntos kalamangan ng Archers at dumikit sa 33-31.

May tig-dalawang triples pa sina Vigil at Saurez sa ikatlong yugto para tuluyang iwanan na ang Archers na may 3-3 karta ngayon.

Si Jeron Teng ay mayroong 13 puntos para sa Archers na may 8-of-31 shooting sa second half at naputol ang four-game winning streak sa Tigers.

Itinala ng Ateneo de Manila University ang kanilang ika-12 sunod na tagumpay sa University of the Philippines sa 56-43 panalo sa unang laro.

Sina Kiefer Ravena at Von Pessumal ay may tig-11 puntos habang ang depensa nila ay nagresulta upang hindi makapuntos ang kamador ng Fighting Maroons na si Jett Manuel para kunin ang 4-2 karta.

Ang panalo ng Blue Eagles ay kanilang sasandalan sa unang pagkikita nila ng La Salle sa Linggo.

Read more...