Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. Ateneo vs UP
4 p.m. UST vs La Salle
Team Standings: FEU (5-1); UST (4-1); Ateneo (3-2); La Salle (3-2); NU (3-3); UP (2-3); UE (2-4); Adamson (0-6)
MAGPAPATIBAYAN ang mga paaralang nasa Katipunan na Ateneo at University of the Philippines habang magsusukatan din ng lakas ang University of Santo Tomas at La Salle sa dalawang maiinit na laban sa 78th UAAP men’s basketball ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Pakay ng Ateneo Eagles at DLSU Archers na manalo upang manatiling magkasalo sa ikatlong puwesto pero palaban ang kanilang mga karibal kaya tiyak na mapapalaban sila nang husto.
Ang Eagles at Maroons ay magtutuos sa ganap na ika-2 ng hapon at nais ng huli na putulin ang tatlong sunod na kabiguan matapos na ipanalo ang unang dalawang laro sa season.
Kasunod nito ang bakbakan ng Tigers at Archers dakong alas-4 at nais ng una ang masaluhan uli sa unang puwesto ang pahingang FEU sa 5-1 karta.
Galing sa impresibong 68-58 panalo ang Tigers sa Eagles sa huling asignatura sa larong nakitaan ng eksplosibong fourth quarter performance mula kay Kevin Ferrer.
May career-high 27 puntos si Ferrer at 11 rito ay ginawa sa huling yugto para tulungang iangat sa 4-1 ang baraha ang UST.
Si Jeron Teng ang pambato ng Archers kasama sina Jason Perkins, Thomas Torres at rookie Andrei Caracut.