NAGPAALALA ang isang paring Katoliko sa mga tagahanga at manonood ng sikat na segment ng “Kalyeserye” ng Eat Bulaga na dapat kapulutan ng aral at maging magandang halimbawa ang ipinapakita ng love team nina Alden Richards at Maine “Yaya Dub” Mendoza, o mas kilala bilang AlDub.
Sinabi ni Fr. Kunegundo Garganta, executive secretary of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on Youth na hindi lamang dapat magpokus ang mga manood sa kilig na dulot ng phenomenal “AlDub” tandem, kundi ang mensahe nito hinggil sa moralidad.
“Huwag lang sanang tumigil doon sa kilig factor na idinudulot at inihahatid ng programa o palabas kasi kung tinitingnan lang ang programa bilang isang palabas posibleng magtatapos lang sa kilig factor at nalimutan na ang aral na mapupulot sa programa, kung hindi magkatotoo sa tunay na buhay ang pagkakagustuhan ng dalawang gumaganap, hindi pinulot ang magandang aral na ibinigay ng programa,” ayon pa kay Garganta.
Nauna nang pinuri ng CBCP at mga miyembro nito ang AlDub dahil sa magandang halimbawang ipinapakita nito sa mga manonood.
“’Yung inihaharap nila sa atin na positibo at mga bagay na nasa katotohanan dapat yun ang ating hinahawakang mabuti,” dagdag pa ni Garganta.