Naglulundag sa tuwa ang buong staff, crew at artists ng aksyon seryeng Ang Probinsiyano kahapon nang malaman nila ang nakuhang rating ng pilot episode ng show. Kumabig ito ng 46.1%.
Base ito sa Kantar Media na tiyak na sasabihin na naman ng iba na kapag Kantar ay laging panalo ang ABS-CBN. Gusto naming sabihing HINDI TOTOO dahil nakatikim na rin naman ng talo ang Kapamilya network sa Kantar.
At gusto rin naming sabihing pag AGB Nielsen ay pawang shows ng GMA 7 ang panalo na hindi rin naman totoo dahil may mga alam din kaming programa ng Siyete na butata rito.
Anyway, hindi pa namin nasilip ang pinagkukunang ratings ng GMA kahapon kaya wala kaming ideya kung panalo rin sa kanila ang Ang Probinsiyano, pero kung ibabase ito sa itinalang ratings ng Kantar 41.6% ay masyadong malaki ito kaya imposibleng manalo ang GMA sa tally ng AGB Nielsen. Baka mas maliit ang lamang siguro kung sakaling win nga ang serye ni Coco Martin.
At kung maraming nagandahan at nag-abang sa unang linggong episode ng Ang Probinsiyano ay pakiabangan ang ikalawang linggo dahil tiyak na mas maraming revelation dito si Kardo, ang sundalong probinsiyano na kakambal ng napaslang na si Ador bilang pulis Maynila.
Hitik sa aksyon ang TV adaptation ng Ang Probinsiyano kaya nang maka-tsikahan namin ang isa sa direktor nitong si Malu Sevilla ay tinanong namin kung ano ang mas mahirap idirek para sa kanya, ang Juan dela Cruz o itong latest serye ni Coco, “Magkaiba ang Juan de la Cruz at itong Probinsiyano, parehong aksyon, pareho in that aspect.
“Ito kasing Probinsyano, hindi lang aksyon, it’s not just a police story, it’s a family story, it’s a hero story and most of all, it’s a tribute to the King (Fernando Poe, Jr.), so ‘yung pressure talagang nandoon talaga,” aniya.
Isa pang napuri ni direk Malu ay si Arjo Atayde na first time niyang makatrabaho, “Very receptive, very open, mabait na bata, sobrang bait, quick to learned ang galing pang mag-improvise, magaling siyang mag add sa character niya, talagang inaano (aral) niya.
“Ganu’n naman ang sabi ko sa kanila, itong character na ito, hindi ito binigay ng direktor, sabi ko (Arjo), ‘ibi-build mo ito, bilugin mo ito 360, lagyan mo ng input mo as an actor. Genetics yata itong batang ito, maganda do’n napakabait na bata, mukha lang siyang mayabang kasi mayaman siya. Ha-hahaha! Pero hindi siya mayabang na tao, napaka-open nga.
“Hindi rin nagpapa-dobol, actually, sila-sila rin ‘yan, ewan ko sa mga ‘yan, (ayaw magpadobol),” masayang kuwento ng direktor.