Patay ang presidente ng Association of Barangay Captains (ABC) ng Ragay, Camarines Sur, at dalawang bata habang 31 pa katao ang sugatan nang mag-karambola ang apat na sasakyan kagabi.
Dead on the spot si Ragay ABC president Joseph Cater at nasawi rin ang 8-anyos na si Alejandro Purca at 4-anyos na si Alea Liana Saraza, kapwa sakay ng pampasaherong bus na kabilang sa mga nag-karambolang sasakyan, sabi ni Senior Supt. Walfredo Pornillos, direktor ng Camarines Sur provincial police.
Isinugod naman sa iba-ibang ospital ang 31 pa katao, na karamiha’y sakay ng bus, dahil sa mga pinsalang tinamo.
Kabilang din sa mga sugatan sina PO3 Roberto Ferrer at PO1 Romeo dela Vega Jr., kapwa nakatalaga sa Ragay Police.
Naganap ang insidente sa bahagi ng Maharlika Highway na sakop ng Brgy. Lower Sta. Cruz dakong alas-7:30.
Kinasangkutan ito ng ten wheeler dump truck (ABQ-113) na minaneho ni Jose Simpuego, patrol car ng Ragay Police (body no. 57), isang unit ng R. Volante Bus Line (EVN-790), at isang Mitsubishi Adventure (VFA-920).
Ayon kay Pornillos, nandoon sa lugar at ang mga tauhan ng Ragay Police dahil rumesponde sa naunang aksidenteng kinasangkutan ng isang motorsiklo at tricycle.
Nagtungo din doon si Cater dahil ang pinangyariha’y 60 metro lang ang layo sa kanyang barangay hall, aniya.
Paalis na sana ang mga awtoridad nang dumating ang dump truck na puno ng buhangin, at sinalpok ang patrol car ng mga pulis, kasalubong na bus, at ang Adventure, ani Pornillos.
Nasa kostudiya ngayon ng lokal na pulisya ang bus driver na si Simpuego habang hinahandaan ng kaukulang kaso, aniya.