Oo na, kami na ang mababaw

MAGPAPAUNA na ako. Hindi ito isang analysis, hindi ito isang pagsusuri ng #AlDub phenomenon. Lalong hindi ito malalim. Oo, ito ay kababawan, masayang kababawan.

Kababawan ito ng hindi lang iisa, kundi ng napakarami.

Kung papansinin, ang atraksiyon sa #AlDub ay walang pinipiling edad. Hindi pwedeng sabihin ng pang bagets lang o pang nakakatanda lang. Wala ring social divide; di pang-mayaman o kaya ay pang-mahirap; may trabaho o wala. Nasa condo man o barung-barong.

Kung tutuusin, nakita na natin ang ganitong uri ng pagtangkilik ng Pilipino fans. Ibang porma nga lang noon at walang masasabing sayantipikong paraan para masukat ang bilang ng mga tumatangkilik sa mga celebrity. Walang social media na susukat ng kasikatan at lawak ng pagtangkilik ng mga tagahanga.

Phenomenal din ang naging taguri ng kasikatan nila noon. Minsan sa kasaysayan ng Philippine entertainment industry, biglang nakilala ng publiko ang isang Nora Aunor na nagsimula bilang mang-aawit na morena, hindi katangkaran, malayong-malayo sa mestiza at matatangkad na artista noong araw. Tinaggap siya at minahal.

Lalo siyang niyakap at inibig ng Pinoy fans nang itambal kay Tirso Cruz II. At ang tambalang Guy and Pip ay “nanganak” ng isang manyika na ang pangalan ay “Maria Leonora Theresa”. May bababaw pa ba run? May mas bakya pa ba run?

Fast forward. Sharon Cuneta at Gabby Concepcion. Sa sukatan noon, sosyal na sosyal, parang di uubra sa masa ngunit niyakap at minahal din ng Pinoy fans. Naging phenomenal din sa kasaysayan ng Philippine entertainment? Nag-iba lang ang sukatan.

Nag-iba lang ang mga mukha ng tinatangkilik na tambalan. Tangkilik ang salitang ginagamit ko, hindi iniidolo sapagkat naniniwala akong alam ng lahat ng #Aldub fans at buong gi-ting kong ipinagmamalaki na kasama ako sa kababawang iyan, na ang lahat ay para sa kasiyahan lamang. May plot, may flow, may script, ngunit ang kaibahan ay ang kung paano nila ito ginagampanan. Hindi maikukubli ang sinseridad. Hindi maikukubli yung parang totohanan na. Kung magkatotoo man ang love team sa tunay na buhay ay ano naman ang masama? Eh di lalong masaya!

Yun lang ang gusto kong sabihin. Hindi mo masusukat ang kaligayahan. Hindi ito mababaw. Hindi ito malalim at magkakaiba rin ito sa bawat tao. Kung nagkataong milyun-milyon ang nabibigyan ng kaligayahan ng #AlDub, walang mawawala sa mga hindi makaunawa sa kasiyahan kung sila ay masisiyahan na lang sa bagay na ikinaliligaya ng iba.

Dito tunay na nagtagumpay ang Eat Bulaga. Dahil sa nauna na nilang direktang napulsuhan ang masa sa pamamagitan ng kanilang “All for Juan, Juan for All”, nang pumasok ang kanilang “Kalye Serye” handang-handa na sa ganoong tipo ng panoorin ang masa, ang madla.

Ibig sabihin, nauna na sila sa pag-pulso ng kung ano talaga ang gusto ng masa. Pero kung sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon ang tatanungin, ang totoo ma-ging sila ay hindi maipaliwanag kung bakit ganoon na lamang ang pagtangkilik ng napakarami sa tambalang #Aldub, kasama na sa mga karakter nina Wally, Jose at Paolo.

Hindi ipinapaliwanag ang phenomenon. Dinadama ito. Isa itong hindi nakikitang bigkis na nag-uugnay sa bawat indibidwal na nakahanap ng kaunting kaligayahan. Iyon lang iyon. Masaya lang.

Mababaw na kung mababaw, pero wala naman talagang layuning iba maliban sa magdulot ng kasiyahan. Nakamit ito. Kaya napakalaking panalo, kapwa sa panig ng naghatid nito at sa panig ng tumangkilik dito.

Read more...