ANG bilang ng mga supporters ni Davao City Mayor Rody Duterte na nagtipon-tipon sa Rizal Park (Luneta) sa Maynila noong Sabado ay maliit (25 hanggang 30,000) kumpara sa mga religious o political gatherings sa nasabing lugar ng mga nakaraang pagkakataon.
Pero hindi matutumbasan ang kanilang pagnanais na patakbuhin si Duterte sa pagka-Pangulo, ani Atty. Bingbong Medialdea, isang supporter ni Duterte at kanyang kababayan.
“Hindi hakot ang crowd, nasisiguro ko yan,” sabi ni Mediadea, anak ng yumaong Supreme Court Justice Leo Medialdea.
Hindi natinag ang crowd kahit na umulan ng malakas sa pagitan ng alas 4:00 at 4:30 ng hapon at bagkus ay nakinig ng maigi sa mga taong nasa entablado, sabi naman ni INQUIRER sports columnist Recah Trinidad na kasama sa crowd.
Si Recah ay kaibigan ng dating North Cotabato Gov. Manny Pinol, isa ring dating sports writer.
At doon sa supporters na mga nagtipon-tipon sa Luneta at sa ibang lugar sa araw na yun noong Sabado, may mensahe si Duterte:”Bigyan lang ninyo ako ng kaunti pang panahon para sa isang soul-searching sa aking sarili at sa aking pa-milya.”
Ang mensahe ay binasa ni retired Armed Forces chief of staff, Gen. Hermogenes Esperon, isang matagal na kaibigan ni Duterte.
Ang mga botante na nananawagan na tumakbo si Duterte ay dapat hindi mawalan loob sa animo’y atras-abante, urong-sulong na paninindigan ng mayor.
Talagang ayaw ni Duterte na tumakbo dahil wala siyang perang ipantutustos sa kanyang kampanya.
Ayaw din niyang lumapit sa mga vested interest groups or individuals dahil ayaw niyang magkautang na loob sa kanila.
Pero ang panawagan ay hindi na sa Davao City lang kundi sa iba’t ibang panig na ng bansa.
“Talagang ayaw kong tumakbo, Mon, pero da-pat ay bigyan muna nila ako ng pagkakataon u-pang mapag-isip isipan ang lahat,” sabi niya sa akin nang sabihin ko sa kanya na ang panawagan ay nasa iba’t ibang sulok na ng bansa.
Maaaring malintikan ako sa aking mga editors at publishers ng Bandera at Inquirer dahil sa aking pagkakampi sa isang panig sa isang political contest.
Ang journalist kasi ay dapat neutral.
Pero, aking mambabasa at tagapakinig sa radyo, ginagawa ko ito dahil sa labis na pagmamahal ko sa ating bansa.
Gaya n’yo, nais kong maging matahimik at maunlad ang Pilipinas sa darating na mga taon.
Si Duterte lamang ang pag-asa ng bayan upang maging peaceful and prosperous ang ating bansa.
Nakita natin sa kanyang lugar sa Davao City, tinuturing na No.5 safest city in the world.
Ibang-iba si Duterte kina dating Interior Secretary Mar Roxas, Sen. Grace Poe at Vice President Jojo Binay na nagla-laway makamtan ang pinakamataas na puwesto sa bansa.
Interesado lang si Duterte na tumakbo uli bilang mayor ng Davao City.
Sa kanyang ilang dekadang pagiging mayor ng Davao City, hindi siya nabahiran ng corruption di gaya ng isa sa mga pre-sidential candidates.
Lubhang kailangan natin ang isang lider na may kamay na bakal gaya ng yumaong Prime Mi-nister Lee Kuan Yew ng Singapore isang dating mahirap na city-state na naging first world status.
Kumbinsihin natin si Duterte na tumakbo.
Kung lumakas pa ang panawagan sa kanya, baka magbago na ang kanyang isip at siya’y kumandidato nang tuluyan.